Solid waste management dapat paigtingin – Usec. Cuna

Sa kabila ng mga umiiral na  panukala at hakbang para sa solid waste management ay inihayag ni Department of Environment and Natural Resources Undersecretary for Field Operations Juan Miguel Cuna na kailangan pang mapaigting ang mga ito.
Si Cuna ay bumisita sa lungsod sa selebrasyon ng  “3rd Cordillera Environmental Summit 2018” na ginanap sa Hotel Elizabeth, Gibraltar, Baguio City noong Hunyo 27 sa pangunguna ng DENR-Cordillera.
Ang Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000 ay isang pambansang batas na may kinalaman sa pagiging makakalikasan at layuning isagawa ang tamang pamamahala sa mga basura. Naglalayon din ito na isulong ang paggamit ng 3Rs o “reduce, reuse and recycle”.
“Meron namang mga technology na makakatulong for recycling ng ating mga plastic. Maybe the local government can introduce an ordinance kagaya ng ibang mga pamahalaang lokal sa iba’t ibang dako ng ating bansa [when it comes to] minimizing or prohibiting the use of plastics. Malaking tulong ito sa ibang mga lugar who have been continuously performing well when it comes to solid waste management, regulating the use of plastic, yung iba nga totally banning it so malaking tulong yan, kailangan lang siyempre mai-reinforce,” ani Cuna.
Dagdag pa niya na ganito ang nakita nilang naging problema sa Boracay Island.
Aniya, napakaraming mga magagandang ordinansa na may kaugnay sa solid waste management sa nasabing lugar ngunit hindi ito naipatupad nang tama kaya nauwi sa rehabilitasyon.
Pagmamalaki niya, isa ang Cordillera sa mga nangunguna sa pagpapalawak at pagpapatupad ng solid waste management kumpara sa mga ibang rehiyon sa bansa.
“Liyamado ang region CAR dahil karamihan  dito ay nakapagsubmit na ‘yong mga LGUs ng solid waste management plan which is a very big step in you being able to manage the solid waste within your jurisdiction na meron kayong plano,” ani Cuna.
Ibinahagi nito ang gustong ipabatid ni Sec. Roy Cimatu na sa kasamaang palad ay di nakadalo sa nasabing programa ng DENR-CAR.
“I would like to recognize and emphasize that the role of the local government unit is very significant. Your continued support and commitment in implementing a comprehensive solid waste management within your respective jurisdictions is very necessary to address the worsening condition of solid waste in the Philippines,” bahagi ng talumpati ni Sec. Cimatu.
Samantala, sinabi ni Cuna na napakalaki ang kontribusyon ng mga LGUs sa pagpapatupad sa mga programa ng DENR at pagresolba sa mga isyu at problema ukol sa kalikasan, dahil aniya, hindi kakayanin ng nasabing ahensya ang pagresolba sa mga ito kung walang tulong ang iba’t ibang pamahalaang lokal sa bansa. ROMELO DUPO III, UC Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon