LA TRINIDAD, BENGUET – Kasalukuyang naka-detain sa La Trinidad Jail ang isang lalaki na tinaguriang hari ng scam dahil sa milyon-milyong halaga ng investment scam na kinasangkutan nito sa Benguet at Zambales.
Si Jayrex Arnodoval, residente ng Irisan, Baguio City, ay nahuli sa isang entrapment operation ng National Bureau of Investigation-Olonggapo Unit sa Dinalupihan, Bataan noong Mayo 12, 2017 sa tulong ng mga umano’y nabiktima niya.
Ayon kay NBI agent Rolando Besarra, naaktuhan si Arnodoval na tumanggap ng marked money habang ito’y nasa restaurant bandang ika-10 nang umaga hanggang tanghali sa Dinalupihan, Bataan. Maliban dito, nakitaan din ng baril at pitong bala nang walang permit to carry, sa kanyang sasakyan.
Na-inquest si Arnodoval sa Olonggapo City, Zambales at na-detain habang umuusad ang preliminary investigation sa kasong syndicated estafa. Hindi nagtagal, nag-file ng Writ of Habeas Corpus ang kampo ni Arnodoval sa Balanga Regional Trial Court upang ito’y makalabas ngunit siya ay nailipat sa trial court ng La Trinidad, Benguet dahil nauna nang lumabas ang warrant of arrest laban sa kanya noon pang 2016.
Nag-file ng Affidavit of Complaint ang mga nabiktima ni Arnodoval sa Benguet noon pang 2015 dahil sa investment scam.
Si Arnodoval ay nakapambiktima umano mula Benguet hanggang Olonggapo, Clark, Laguna, National Capital Region (NCR).
Ayon sa mga nabiktima ni Arnodoval, ang suspek ay nanghikayat ng mga investors para sa kompanyang Omni Incorporated na umano’y isang investment company na gumagamit ng sistemang networking.
Isa si Jewel Castro, negosyante, sa nabiktima nito kung saan siya ay nakapagbigay ng P1milyon. Taliwas sa pangako ni Arnodoval, hindi siya nakatanggap ng nakasaaad na return of investment. Naapektuhan din umano ang business group ni Castro na nag-invest sa naturang kompanya.
Ayon kay Castro, si Arnodoval ay nagpanggap na rin minsan bilang tv producer na nagmamay-ari umano ng maraming negosyo.
Sa kwento ni Castro, ginagamit ni Arnodoval ang ilang materyal na bagay para maenganyo ang mga nais pumasok sa investment.
“Sinasabi niya meron siyang, kumbaga hundred units na condo, na marami siyang lupa, vegetable trading, car-for-rent, which is hindi pala totoo. Kumbaga ginagamit niya lang iyon. Fabricated ba. Ang lahat ng sinasabing negosyo niya na pina-front niya, ang meron lang DTI [permit] pero wala talagang negosyo.”
Ayon kay Castro, pangako umano ni Arnodoval na dodoble ang perang maii-invest ngunit sa huli ay kulang pa umano ang ibinigay ni Arnodoval sa kanya.
“Sa isang milyon, ang bumalik lang P600 [thousand].”
Batay sa mga kwento ng mga biktima ng scam, palipat-lipat ng lugar si Arnodoval matapos umanong makakuha ito ng pera sa mga investors.
Ayon naman kay Ginang Lloyda, 44-anyos, na umano’y muntik nang sumali sa Omni dahil sa mga nahikayat na kamag-anak, mabuti na raw at hindi siya rito nag-invest kaagad. Plano pa sana niyang mag-invest para sa kanyang beauty parlor.
Sa Benguet lamang, ay umabot na sa P5.4 milyon at P9.3milyon sa magkahiwalay na kasong estafa at syndicated estafa ang inireklamo sa suspek.
Ayon kay Attorney Eric Ueda, abogado ni Arnodoval sa kasong Estafa in relation to PD 1689 o sysdicated estafa, hihintayin nila ang korte kung papayagan si Arnodoval na mag-post ng bail kahit non-bailable pa ang kaso.
“We would ask the court to allow the accused to post bail kasi nga itong estafa in relation to PD 1689 [syndicated estafa] in general, hindi siya bailable, however, the rules of court allows the rule na pwedeng mag-post bail if a hearing is conducted and the court finds the guilt of the accused is not strong. If the guilt of the accused is not strong, the court will determine how much is the bail for the temporary liberty while the case is pending.”
Kasalukuyan namang at-large o kaya ay nagpiyansa ang iba pang kasamahan ng nasasakdal na nahainan na rin ng warrants of arrest. Adrian Trinidad, UC Intern
May 27, 2017