12 BODYGUARD NG VICE MAYOR SA ABRA, IIMBESTIGAHAN NG PULISYA

CAMP DANGWA, Benguet – Mapayapang natapos ang tensyon sa Pilar, Abra matapos ang serye ng negosasyong na isinagawa ni BGen. Ronald Oliver Lee, regional director ng Police Regional Office-Cordillera, sa pagitan ni Vice Mayor Jaja Josefina Somera-Disono at mga tauhan nito kaugnay sa naganap na shooting incident noong Marso 29.
Labindalawang dating militar na nagsilbing security aide ni Vice Mayor Disono ang nagsumite ng kanilang sarili sa kustodiya ng Philippine Army para sa imbestigasyon ng pulisya.
Gayundin, 14 na lisensyadong sari-saring armas mula sa kampo ng Bise Alkalde ang isinumite sa pulisya para sa pagsasagawa ng forensic examination.
Matatandaan na pinabulanan ng PROCOR ang kumalat sa social media ng LGU Pilar Abra na hinaharass ng mga tauhan ng Pilar Municipal Police Station ang bahay ni Vice Mayor Disono, kundi ito ay lehitimong hot-pursuit operation laban sa isang van na nakasagupa ng pulisya sa
checkpoint.
Sinabi ni Abellanida, dakong alas-10:30 ng umaga noong Marso 29, nagsasagawa ng checkpoint operation ang mga tauhan ng Pilar MPS at Regional Mobile Force Battalion (RMFB15) nang i-flag down ng mga ito ang isang puting Toyota Hiace van na lulan ng may hindi pa nakikilalang kalakihan.
Sa halip na makipagtulungan sa mga otoridad, binalewala ng nasabing van ang checkpoint at mabilis itong umalis. Dahil dito, dalawang tauhan ng RMFB 15 na nagsisilbing advance security ang nabangga ng nasabing van at pagkatapos nito habang tumatakas ay pinaputukan ang mga pulis na tumama sa police mobile.
Dahil dito, nagkaroon ng hot pursuit, kung saan pinasok ng nasabing van ang compound/ residence ni Vice Mayor Disono. Agad na kinordon ng mga pulis ang lugar kung saan tumakas ang nasabing Toyota van na hindi pinansin ang checkpoint.
Sa social media live interview ng Bombo Radyo dakong ala-1:00 ng hapon, sinabi ni Disino na dumalo siya sa kanilang regular session sa munisipyo sa umaga, ngunit hindi natuloy, dahil walang quorum, kaya nagpasya siyang umuwi, kasama ang Toyota white van bilang back-up na sasakyan.
Sinabi niya na dumaan sila sa checkpoint at nag-overtake sa kanyang sasakyan, habang nasa likod ang convoy van nang makarinig siya ng putok ng baril.
Mabilis na tumakbo ang sasakyan ni Vice Mayor patungo sa bahay at itinanggi na sila ay nabaril. Isa sa mga bodyguard ni Disono ang namatay na ngayon ay masusing iniimbestigahan ng pulisya.
Dahil dito, agad nagtungo sa Pilar,Abra si Lee at iba pang mga opisyales ng PROCOR para kumbinsihin si Disono sa mapayapang pag-uusap.
Habang isinusulat ang balitang ito ay inaantay pa ang kalalabasan ng imbestigasyon kung may pananagutan ba sa batas ang Bise Alkalde at mga tauhan nito at kung lisensyado ba ang mga naisumiteng armas.
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon