2 lalaki, dinakip sa pasugalan

Timbog ang dalawang lalaki matapos naaktuhan ng mga awtoridad sa illegal na pasugalan sa loob ng Sagada Bar, Jacinto Street, Baguio City noong ika-9 ng Hunyo 2017, bandang 11:45 ng umaga.
Ang mga nahuli ay nakilalang sina Jordan Yocogan Toyoken, 35 anyos, may-asawa, drayber, tubong Itogon, Benguet at kasalukuyang nakatira sa San Carlos Heights, Upper Irisan, Baguio City, at si Reginald Manganey Piluden, 23 anyos, single, walang trabaho, tubong Besao, Mountain Province at nakatira sa Poliwes Extension, Baguio City.
Ayon sa ulat ng mga pulis, habang sila ay nagpapatrolya sa naturang lugar ay isang concerned citizen ang nagbigay ng detalye tungkol sa illegal na pasugalan.
Naaktuhan ng mga pulis ang nasabing pasugalan at nakumpiska ang game cards at isang set ng condor cards at mga taya na nagkakahalaga ng P300.
Hindi naman nagbigay ng pahayag ang may-ari ng bar tungkol sa pasugalan.
Inaresto ng pulis ang mga suspek dahil sa paglabag sa Republic Act No.9287 kaugnay ng Presidential Decree No.1602 o Illegal Gambling.
Ayon sa awtoridad, patuloy ang kanilang pag-iimbestiga sa mga illegal na pasugalan sa lungsod ng Baguio. AUBREY BALINDAN, UC Intern

Amianan Balita Ngayon