2 lalaki patay, 1 sugatan sa pamamaril sa Dagupan

CAMP BGEN OSCAR M FLORENDO – Patay na nang madala sa ospital ang dalawang lalaki habang sugatan ang isa nilang kasama matapos pinagbabaril ang mga ito ng hindi pa nakilalang mga suspek sa Tapuac District, Dagupan City dakong 9:15 ng gabi noong Agosto 23, 2018.
Kinilala ni Police Superintendent Jandale I. Sulit, hepe ng Dagupan City Police Station, ang mga biktimang sina Johnny Velasco Baniqued, 47 anyos, may-asawa, negosyante, at dating barangay kagawad, at Oscar Fernandez, nasa legal na edad, may-asawa, professor sa University of Luzon habang ang sugatan ay si Peter Zabala Ramos, 44, may-asawa. Ang mga ito ay pawang residente ng Rivera St., Brgy IV, Dagupan City.
Batay sa imbestigasyon, matapos mag-inuman sa De Luxe Restaurant sa naturang lugar ay papasakay ang mga biktima sa kanilang Mitsubishi Montero na may plakang NJ 4307 nang biglang pagbabarilin ang mga ito ng hindi makilalang mga lalaki na agad tumakas sa di malamang direksyon matapos ang insidente.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan sina Baniqued at Fernandez at idineklarang dead on arrival sa Nazareth General Hospital.
Si Ramos na nagtamo ng apat na tama ng bala sa likod ay dinala sa Trauma Specialist Group of Hospital upang malunasan.
Nasamsam mula sa pinangyarihan ng krimen ang 16 piraso ng fired cartridges ng cal.45, limang deformed fired bullets, isang live ammunition ng cal.45 at dalawang fragmented fired bullets.
Ang bangkay ng mga biktima ay isinailalim sa autosopsy examination sa Nazareth General Hospital habang si Ramos ay naka-confine pa rin sa ospital.
Iniutos naman ni Police Chief Superintendent Romulo E Sapitula, PRO1 regional director, ang masusing pagsisiyasat sa krimen upang malaman ang motibo at makilala ang mga suspek.
Iniutos din nito ang pagkuha sa mga footage ng mga CCTV sa lugar upang malaman kung saan tumakas ang mga suspek. ABN

Amianan Balita Ngayon