Pagpasa sa Cordillera organic law, minamadali sa Kongreso

LUNGSOD NG BAGUIO – Sinisikap ng anim na mga kongresista ng Cordillera na agad matapos ang report tungkol sa “Cordillera Organic Law” sa House Committee on Local Government upang maipasa na sa plenaryo ng Kongreso.
Ito ang inihayag ni Baguio City Rep. Mark Go noong Lunes, Agosto 20, 2018.
“We are scheduled to meet with the technical working group (TWG) in Manila on Aug. 27 together with the other five Congressmen of Cordillera,” ani Go.
Ang anim na kongresista ng Cordillera ay inatasan ng Committee on Local Government, sa isinagawang pagdinig noong Agosto 14, na maging bahagi ng TWG na siyang magsasaayos sa report ng komite at magbabalangkas ng naturang panukala upang mailagay ang mga iminungkahing pagbabago sa House Bill 5343 (Act establishing the Cordillera autonomous region).
Ito ay kinabibilangan nina Kongresman Ronald Cosalan ng Benguet, Joseph Sto. Niño Bernos ng Abra, Eleanor Bulut Begtang ng Apayao, Teodoro Baguilat ng Ifugao, Allen Jesse Mangaoang ng Kalinga, na tagapag-alaga rin ng Mountain Province, at Go ng Baguio. Ang mga ito, kasama ang pumanaw nang Mountain Province Rep. Maximo Dalog, ay pawang may-akda ng HB 5343.
Kabilang sa trabaho ng TWG na suriin ang mga iminungkahing pagbabago sa HB 5343.
“From there, if we find them meritorious and it will help in improving the bill, we will include them in the proposed amendments,” ani Go.
Aniya, may ilang mga pagbabago ang iminungkahi sa diskusyon ng House committee at tungkol sa Bangsamoro Basic Law bill.
“Palagay ko dito mas madali dahil our bill is a simple bill. There are no Constitutional issues. I have reviewed the bill. As a matter of fact, we are one of the sponsors of the bill and hindi ganun kadugo ang magiging discussion pag nasa plenary na ang autonomous region of the Cordillera,” ani Go.
“I think this is the first time lahat ng Congressmen nagkakaisa para ipasa itong autonomous region for the Cordi and this Cordi thing will help in the development of the Cordillera,” dagdag nito.
Ngunit, pahayag ng kongresman, ang mahalaga ay masiguro na ang mamamayan ng rehiyon ay aaprubahan ang panukala at ihahalal ang tamang mga tao na magpapatakbo sa pamahalaan ng Cordillera.
Samantala, sa Senado ay apat na bill para sa autonomiya ng Cordillera ang nakabinbin. Isa ay iniakda ni Senator Miguel Zubiri, na kapareho ng kasalukuyang pinag-aaralan sa Kongreso. Ang tatlo pang iba ay iniakda nina Senators JV Ejercito, Bam Aquino, at Aquilino Pimentel III.
Ang mga naturang bill sa Senado ay baka kailangang pagsamahin, ani Go.
Kung sakali mang may mga magkasalungat na probisyon, ang mga panukala ay isasailalim sa deliberasyon ng bicameral committee na binubuo ng mga kinatawan ng parehong mababa at mataas na kapulungan. Pagkatapos ay ibabalik ito upang ratipikahan ng bawat kapulungan bago ipasa kay Pangulong Rodrigo Duterte para malagdaan nito.
Sinabi ni Go na ipinangako ng mga kinatawan ng rehiyon ang mabilis na pagkilos upang makaabot sa target na pagpasa ng bill sa Senado hanggang Setyembre.
Pinaigting pa ng mga namumuno sa Cordillera ang pagsulong sa autonomiya ng rehiyon habang ramdam pa ang katuwaan sa pagkakapasa ng Bangsamoro Organic Law (BOL). L.AGOOT, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon