2 nawawalang mangingisda ng Pangasinan, nailigtas sa Zambales

DASOL, PANGASINAN – Nakauwi nang ligtas sa kanilang tahanan ang dalawang mangingisda noong Marso 12 habang may dalawa pa ang pinaghahanap pa rin.
Ang mga mangingisda ay naiulat na nawawala mula pa noong Marso 9.
Base sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Dasol (MDRRMO-Dasol), ang apat na mangingisda ay kani-kaniyang naglayag noong Marso 8 gamit ang kanilang mga de-motor na bangka at inaasahang bumalik kinabukasan.
Ngunit naglabas ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Administration (Pagasa) ng gale warning sa karagatan ng Pangasinan noong Marso 9 at hindi nakauwi ang mga mangingisda sa naturang araw.
Noong Marso 10 ay iniulat ng MDRRMO-Dasol sa Provincial Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na nawawala sina Gon Rivera, Renel Naveda, Mc Arthur Salanga Jr. at Boy Bobis, pawang residente ng Dasol.
Agad naman na nakipag-ugnayan ang PDRRMO-Pangasinan sa coastal barangays sa lugar at sa mga himpilan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Infanta, Sual at Bolinao, maging sa PDRRMO-Zambales at Zambales Police Provincial Office.
Natagpuan sila Naveda at Salanga sa kanilang mga bangka sa Zambales ng mga mangingisda rito. Magkasunod na sinagip ang dalawa, si Naveda noong Marso 10 at si Salanga noong Marso 12.
“They were seen on their respective fishing boats by fishermen in Zambales as they were possibly taken there by big waves, and their motorized fishing boats ran out of gasoline, but they are safe and sound now,” ani Shalom Balolong ng PDRRMO-Pangasinan.
Samantala, patuloy pa rin ang search and rescue operations ng PCG at mga kinauukulang awtoridad para mahanap sina Rivera at Bobis, kasama ang iba pang mga mangingisda mula sa Agno na naiulat ding nawawala. PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon