3 patay sa magkakaibang aksidente sa isang araw

Tatlong katao ang namatay sa magkakahiwalay na aksidente sa kalsada sa Ifugao at Benguet noong Abril 18, 2018.
Dakong 4:10 ng hapon ay isang Honda Mobillo SUV na may temporary plate number DU 5587 at minamaneho ni Romeo Vinoya Esteban Sr., 72 anyos, ay bumangga sa isang Honda TMX 155 na may plakang BO 35117 na may berdeng sidecar, pag-aari at minamaneho ni Lorenzo Serquiña Bibat, 58 anyos, residente ng San Juan, Alfonso Lista, Ifugao.
Sa inisyal na imbestigasyon, ang motorsiklo ay papuntang timog at papasok sana sa kabilang gilid ng kalsada nang nabangga ng van ang sidecar nito.
Ang driver ng motorsiklo ay agad na dinala ng mga concerned citizens sa Potia District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa injury nito sa ulo.
Samantala, ang driver ng van at apat nitong pasahero ay hindi nasaktan.
Sa Ifugao pa rin, isa pang nakasakay sa motorsiklo ang tumilapon matapos mabangga ang riprap sa national road ng Dugong, Tungngod, Lagawe dakong 7:39 ng gabi.
Sa imbestigasyon, ang Kawasaki Fury 125 motorcycle na walang plaka at minamaneho ni John Mark Dominong Buhulon, 17anyos, at residente ng Caba, Lagawe, Ifugao, ay matulin ang takbo mula sa Ibulao, Kiangan at patungo sa Poblacion, Lagawe nang bumangga ito sa riprap. Sa lakas ng pagbangga ay tumilapon si Buhulon habang ang motorsiklo ay bumagsak sa kalsada.
Nagtamo ang biktima ng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan at dinala ng mga rumespondeng pulis sa IGH Clinic, Natuwolan, Cudog, Lagawe, Ifugao ngunit idineklara itong dead on arrival.
Samantala, sa Benguet ay isa rin ang namatay sa motorsiklo na sumalpok sa parapet sa Camp 1, Kennon Road, Tuba dakong 9:30 ng gabi.
Ang pulang Rusi motorcycle na walang plaka at minamaneho ni Randy Leano Marzan, 27anyos, single, cook, at residente ng lugar ay sumalpok sa parapet matapos na nawalan ng kontrol ang driver. Dahil sa lakas ng pagsalpok ay tumama rin sa parapet ang driver na walang suot na helmet at agad namatay.
Tumanggi ang mga kaanak ng biktima na magsagawa ng autopsy dahil kumbinsido ang mga ito na aksidente ang nangyari. Dinala ang bangkay ng biktima sa La Fortesa Funeral Homes sa Rosario, La Union.

Amianan Balita Ngayon