2 patay, 13 sugatan sa banggaan ng dalawang sasakyan

Dalawang lalaki ang namatay habang 13 ang nasaktan sa banggaan ng dalawang sasakyan sa Km 49 Paoay, Atok, Benguet, gabi ng Abril 17, 2018.
Sa imbestigasyon, bandang 8:55pm ng parehong araw, ang Ford Fiera na may plakang ADE 220 na minamaneho ni Efren Cawa Dawagui, 42anyos at residente ng Lengaoan, Buguias, Benguet, ay binabagtas ang basang kalsada patungong Baguio City. Dahil sa mabigat na karga, nawalan ng kontrol ang Ford kung kaya’t nabunggo ang gray Hi-Ace van na may plakang A5H982 na minamaneho ni Nino Abbago Briones, 26anyos, at residente ng Manaoag, Pangasinan.
Si Dawagui at kanyang pasahero na si Paulo Licnad ay idineklarang dead on arrival ng kaniyang attending physician habang ang isa pang pasahero na si Oliver Badongen ay nagtamo ng mga sugat at dinala sa Baguio General Hospital.
Sa kabilang banda, 11 sa 14 na pasahero ng van ang nagtamo ng minor injuries at dinala sa Atok District Hospital para malunasan habang ang driver kabilang ang isang pasahero ay hindi nasugatan. Subalit, isa sa pasahero nito na si Roselyn Bulayo, 25 anyos at residente ng Kias, Baguio City ay dinala sa Baguio General Hospital dahil sa head injuries. Ang kaso ay iniimbestigahan pa.

Amianan Balita Ngayon