Malinis na halalan at tamang pagpili tungo sa mahusay na pamamahala

Matapos ang dalawang beses na pagpapaliban sa regular na Barangay at SK elections na noon pang taong 2010 ang huling pagdaraos nito ay inaasahang dudumugin ng mas maraming kakandidato kaysa sa mga nakaraan ang mga tanggapan ng Comelec sa buong bansa. Dahil sa matagal na pagpapaliban ay ipinalagay na naging sabik ang mga nagnanais maglingkod sa barangay kaya inasahan ang mas maraming tatakbo lalo na Sangguniang Kabataan. Subalit taliwas sa inasahan ay hindi naabot ang target na mahigit isang milyon na naghain ng Certificate of Candidacy (COC) sa buong bansa.
Isa sa naging dahilan ng pagpapaliban ng halalan ay nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin muna ang mga barangay sa illegal na droga at hindi papayagang maupo ang mga barangay officials na sangkot sa droga o mga mismong user at pusher na ibinunyag pa niyang nasa libo-libo na nasa listahang hawak niya. Umugong pa ang balitang itatalaga na lamang ang mga uupong opisyal sa barangay sa ilalim ng napabalitang revolutionary government na madali namang itinanggi ng administrasyong Duterte.
Ano ang dahilan ng mas kaunting nagpakita ng interes na manilbihan sa barangay? Nagkulang ba sa pagpapakalat ng imporasyon at hikayatin ang mga kwalipikadong mamamayan na tumakbo? O kaya’y lubhang nanamlay na ang tao na makilahok sa nasabing halalan. Sabagay mas madali nga naman ang pagpili kung kakaunti ang pagpipilian ngunit paano naman kung may mga mas karapat-dapat pa palang manungkulan na hindi kumandidato?
Sana ay hindi nasayang ang napakalaking halaga na ginastos matuloy lamang ang halalan dahil sa hindi inasahang mababang partisipasyon ng tao na kumandidato. At sana’y wala ring makakalusot na drug user at drug pusher gayundin ang mga corrupt na uupong opisyal ng barangay. Dapat lamang na maging matalino ang mga botante kahit pa pambarangay lamang ang halalan dahil mahalaga ang gingamanan ng barangay sa kabuuang pamamaala sa bansa tungo sa pag-unlad. PMCJr.

Amianan Balita Ngayon