377 TRAVELERS HINDI PINAPASOK SA BAGUIO, 14 KINASUHAN

BAGUIO CITY – Doble higpit ang ipinapatupad ngayon sa mga border quarantine checkpoint papasok ng Summer Capital, upang maiwasan na makapasok pa ang COVID-19 Delta variant, na kung saan ay 14 travelers ang kinasuhan dahil sa fake travel documents, samantalang 377 ang hindi pinapasok at pinabalik sa kanilang pinanggalingan dahil sa hindi kompletong requirement na ipinapatupad ng siyudad.
Ayon kay Mayor Benjamin Magalong, siyam na quarantine checkpoints ang itinalaga sa bawat entry at exit points.
“Bukod sa mga nahuling travelers, ay tatlong colorum vehicles din ang nahuli.” Aniya, ang QCP sa Marcos Highway border na minamanduhan ng BCPO Station 10, ang may pinaka maraming accomplishment, na nakahuli ng 14 travelers dahil sa fake travel documents, tatlong colorum vehicles at 141 travelers na kulang ang dokumento mula Agosto 1 hanggang Agosto 25.
Sa Kennon Road na minamanduhan ng BCPO Station 8, ay naharang ang 133 travelers na incomplete papers, samantalag sa Longlong Tacay QCP ay pinabalik sa kanilang pinanggalingang ang 36 travelers.
Sa Irisan QCP na minamanduhan ng BCPO Station 9 ay 16 travelers mula sa Norte ang pinabalik; 16 din sa Tiptop QCP, samantalag sa Ambiong QCP ay 19; Asin Tadiangan QCP ay 9 at 8 sa Magsaysay QCP.
“Kailangan nating maghigpit sa ating mga border, lalong-lalo na yong manggaling sa Luzon, dahil ayaw nating maranasan ang nangyayari sa ibang lugar at panawagan ko residente na makipagtulungan at i-report ang entry na hindi dumadaan sa ating triage,” pahayag ni Magalong.
Ayon kay Magalong, ang mga nahuling nameke ng dokumento,gaya ng RT-PCR test result ay sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 11332 or “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.”
“Ang border rule implementation ay hinigpitan natin mula pa noong Hulyo dahil napasukan na tayo ng Delta variant at may mga report na may nakakapasok na peke ang dokumento.”
Samantala, nakapag-piyansa na ang anim sa 11 nahulihan ng pekeng reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test results, matapos na sila ay harangin sa Marcos Highway QCP noong Agosto 7.
Ayon kay BCPO Director Col. Glenn Lonogan, nagpiyansa ang anim noong Agosto 24 ,habang sila ay pansamantalang nakalagak sa BCPO Station 10.
Ang anim ay kabilang sa 11 kakato na sakay ng private van, na pawang aplikante sa ibang bansa at nagtungo sa siyudad para sa kanilang job assessment ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ayon kay Lonogan, ang mga nabanggit na aplikante ay nagtungo sa siyudad para sa kanilang job assessment na ni-request nila sa Manila, pero nakitang peke ang RT-PCR test na isinumite nila sa triage.”They cannot do anything but file the criminal cases because they violated the law”.
Nabatid na anim pang laborer mula sa Cavite ang nahuli at kinasuhan noong Agosto 19 at pininsyahan din ng kanilang kumpanya, samantalang noong Agosto 21, nahuli ding nameke ng RT-PCR tests results ang isang mag-ina.
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon