4 lalaki, timbog sa illegal logging sa Benguet

LA TRINIDAD, BENGUET-Apat na lalaki ang nadakip ng La Trinidad police sa ilegal na pagtotroso ng pine trees sa Mae, Ambiong, La Trinidad dakong tanghali noong Hunyo 10.
Pinangunahan ni  La Trinidad Police Chief Inspector Benson Bulicday Macli-ing ang  Police Community Precint 2  para sa pagresponde sa Ambiong pagkatapos makatanggap si Duty Tactical Operations Center (TOC) SPO03 Alvarez ng text message mula sa isang concerned citizen tungkol sa pagtotroso.
Naabutan ng pulisya ang  mismong pamumutol sa mga pine trees ng mga suspek na sina Rodan Aligan Palista, 30, binata, mula Km. 19, Ambassador, Tublay, Benguet; Junior Alibio Aligan, 41, mula Km.19, Ambassador, Tublay, Benguet; Melvin Orfiano Marcelino, 20, residente ng DC-131-B, Bahong, La Trinidad, Benguet; at Jurdan Pontino, 41, tubong Nueva Viscaya at residente ng Ambassador, Tublay.
Sinubukan ng mga suspek na ipakita ang hawak nilang barangay permit na hindi naman pinapayagan ng Department of Environment and Natural Resources sa ilalim ng Presidential Decree 705 o Revised Forestry Code of the Philippines.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang gamit nilang chainsaw na may 110079017serial number dahil wala rin itong permit.
Dinala ang mga pine logs at chainsaw sa La Trinidad Municipal Police Station para sa proper disposition.
Maliban sa paglabag sa PD705 ay nahaharap din ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9175 o Chainsaw Act of 2002. DEBORAH AQUINO, UC Intern

Amianan Balita Ngayon