4 patay, 8 sugatan sa van na nahulog sa bangin

LUNGSOD NG BAGUIO – Apat na katao ang namatay, samantalang walo ang sugatan, na dadalo sana sa family reunion at kasalan nang aksidenteng mahulog sa bangin ang kanilang sinasakyang private van, noong Abril 19 ng gabi sa Sitio Guesset, Bokod, Benguet.
Sa report ng Bokod Municipal Police Station, namatay on the spot sina  Gemalyn Lorenzo, 28, ng Ucab, Itogon, Benguet; Antonio Bulay, 65, ng Dadaay, Alilem, Ilocos Sur; at Julie Valencia Umba-as, 52; samantalang si Alfedo Bulay, 80, ng Alilem, Ilocos Sur, ay idineklarang dead on arrival nang isinugod ito sa Baguio General Hospital and Medical Center. 
Ang mga sugatan ay nakilalang sina Fe Consuelo Soriano, 34, ng Lower Kitma-Bakakeng, Baguio City; Arsenio Lorenso, 60, ng Ucab, Itogon; Jeralyn Peralta Sab-it, 30; Nelly Joy Yamoyam Soriano, 61, kapuwa taga-Barangay Loakan, Baguio City; Julius Binay-an, 43; Ela Sab-it Binay-an, 2 years old, kapuwa taga-Magsaysay Avenue, Baguio City; Corazon Binay-an Bulay, 63, ng Alilem, ILocos Sur; at Joseph Gabino, 47, ng Barangay San Vicente, Baguio City at drayber ng van.
Nabatid na anim na nasugatan ay pinalabas na ng hospital, samantalang dalawa pa ang masusing inoobserbahan.
Sa imbestigasyon, ang mga biktima na galing sa Baguio City ay patungong Madela, Quirino, para dumalo sa isang family reunion at kasalan nang maganap ang aksidente, dakong 8:30 ng gabi sa nasabing lugar.
Sa pahayag ni Gabino, drayber ng Nissan Urvan na may plakang NV350, sa pulisya, habang papaliko sa isang sharp curve na bahagi ng kalsada ay nawalan siya ng control na dumeretso sa may 12 meters lalim ng bagin. Ang sasakyan ay pag-aari ni   Samneliza Yamoyam Soriano.
Agad na sumaklolo ang mga rescue volunteers mula sa local Disaster Risk Reduction Management Councils, fire fighting personnel ng Itogon at Bokod municipalities at mga paramedic groups mula sa Baguio City. ZALDY COMANDA / ABN

Amianan Balita Ngayon