P10M, inilaan ng La Trinidad sa gamot at dialysis

LA TRINIDAD, BENGUET – Naglaan ang lokal na pamahalaan ng P9milyon para sa pagbili ng mga gamot at medical equipment at P1 milyon para sa mga nangangailangan ng dialysis treatment, ayon kay La Trinidad Mayor Romeo Salda.
Ayon kay Salda, ang bawat dialysis patient ay maaaring maka-avail ng maximum na P3,000 per dialysis session, na makukuha mula sa social welfare office ng bayan bilang financial medical assistance.
Aniya, ang financial aid ay maaaring tumaas, depende sa medical condition ng pasyente.
Samantala, ang lokal na pamahalaan ay nakipagtulungan sa mga private global organizations para sa isinagawang medical mission kamakailan na natanggap ng halos 1,000 tao mula sa La Trinidad.
Ang mga residente ng 16 barangays ng La Trinidad ay nakatanggap ng medical, dental at optical services, kabilang ang libreng eyeglasses at gamot, mula sa medical mission na isinagawa noong Abril 14 ng iba’t ibang Lions Club organizations, sa pakikipagtulungan ng municipal health office.
Sinabi ni Salda na ang Lions Clubs mula Japan, China, at Malaysia, gayundin ang mga volunteer mula Lions Clubs of Manila at Baguio, ay tumulong sa mga health representatives mula sa lokal na pamahalaan na nagsagawa ng minor surgeries tulad ng pagtanggal ng cysts, at dental at optical services, blood sugar screening, at medical consultations.
Halos 25 foreign doctors ng Organization of Southeast Asian Lions (OSEAL) clubs mula sa China, Japan, at Malaysia ang dumating, na pinangunahan ni Lions Club Past International Director Dati Ellis Suriyati Omar, isang Malaysian.
Mayroon ding ilang gift-giving na isinagawa bilang bahagi ng aktibidad.
Pinasalamatan ni Salda ang mga opisyal at miyembro ng international groups sa pagsasagawa ng isang araw na medical mission na pinakinabangan ng kaniyang mga kababayan.
Isa sa mga benepisyaryo ang estudyanteng si Muriel Incio ng Km 2 Barangay Balili, na nakatanggap ng artificial eye sa isinagawang aktibidad.
“We are so grateful to God, to the foreign medical volunteers, and to everybody who made it happen,” ani Salda na nagalak nang malaman ang matagumpay na procedure ni Incio.
Sinabi ni Salda na ang grupo, sa pamamagitan ni Omar, ay nagpahayag ng kanilang intensiyon na suportahan ang medikal na misyon at palawakin pa ito upang isama ang mga programang pang-edukasyon at turismo upang higit pang mapalakas ang pakikipagtulungan sa bayan. P.AGATEP, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon