Cofounder ng Kuratong Baleleng group, arestado sa La Union

CAMP BGEN OSCAR M. FLORENDO – Nadakip sa isang checkpoint operation ng Police Regional Office Region 1 (PRO1) ang hinihinalang cofounder at dalawa pang kasapi ng grupong Parojinog/Kuratong Baleleng noong hapon ng Abril 16, 2018 sa kahabaan ng Diversion Road, Bangcusay, City of San Fernando, La Union.
Kinilala ni Police Chief Superintendent Romulo E. Sapitula, regional director ng PRO1, ang mga suspek na sina Manuelito Estomata Francisco, 57 anyos, walang trabaho; asawa nitong si Rizalina Ozamiz Francisco, 54 anyos, at city councilor ng Ozamiz City, Misamis Occidental; at kanilang anak na si June Ozamiz Francisco alyas Omboy, 31 anyos at nagbitiw na barangay chairman ng San Roque, Ozamiz City. Ang mga ito ay kamag-anak ni Mayor Reynaldo Parojinog na namatay sa isang raid ng pulis sa San Roque Lawis, Ozamiz City noong Hulyo 2017.
Iniulat ni Sapitula na ang tatlong suspek ay naaresto matapos pahintuin ng mga otoridad ang Toyotoa Innova na may conduction sticker VD4899 kung saan sila sakay sa isang intelligence-driven checkpoint na isinagawa ng pinagsamang operatiba ng City of San Fernando Police, San Juan Police, Regional Mobile Force Battalion 1 (RMFB1), Regional Intelligence Division ng Police Regional Office 1 (RID-PRO1), Misamis Occidental Police Provincial Office (MisOccPPO), Regional Intelligence Unit 1 (RIU1), Criminal Investigation and Detection Group-La Union (CIDGLU) at La Union Police Intelligence Branch (LUPIB).
Ang pagkaaresto sa pamilya Francisco ay sa tulong ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Edmundo P. Pintac ng Regional Trial Court 10th Judicial Region, Branch 15, Ozamiz City na may petsang Pebrero 6, 2018 para sa krimeng paglabag sa Republic Act 9516 o illegal possession of firearms and explosives, sa ilalim ng Criminal Case Number RTC-8516 na walang recommended bail bond.
“Based on our operatives’ investigation report, Manuelito is allegedly the co-founder of the Parojinog/Kuratong Baleleng Group, a group believed to be involved in illegal activities such as robbery, extortion, illegal drugs and among others. The family left their home after the death of Mayor Reynaldo Parojinog. They were arrested while travelling to Manila from Ilocos Provinces,” ani Sapitula.
Pinuri ni Sapitula ang kaniyang operatiba para sa pambihirang tagumpay, gayundin hinihikayat niya silang maging mapagmatyag at proactive sa kanilang intelligence gathering upang masugpo ang maraming criminal na maaaring nagtatago sa rehiyon. “Let us enhance our intelligence sharing as it provides a starting point for our criminal investigations and subsequent prosecutions,” aniya.
Ang mga naarestong suspek ay iniharap sa media sa Pangasinan noong Abril 18 upang malaman ng publiko na sila ay buhay, nasa maayos na kalagayan at mahigpit na binabantayan ng kapulisan, ani Supt. John Guiagui, hepe ng San Fernando City, La Union police. ABN

Amianan Balita Ngayon