42 estudyante sa Benguet, hinihinalang nalason

BUGUIAS, BENGUET – Kasalukuyang hinihintay ang resulta ng toxicology examination sa naiwang mga kendi na naipamahagi sa mga mag-aaral ng Natubleng Elementary School at Natubleng National High School na isinugod sa ospital bunsod ng hinihinalang pagkalason dakong tanghali ng Hunyo 27, 2018.
Sa 42 na estudyanteng naospital, 40 ang dinala sa Atok District Hospital (ADH) noong Hunyo 27, na-confine ang anim na estudyante at na-discharge naman ang 34 sa hapon.
Kinabukasan ay nadagdagan ng dalawa pang estudyante ang dinala sa ospital at ibinalik din sa ospital ang anim sa na-discharge noong Hunyo 27 dahil sa pananakit ng tiyan.
Noong Hunyo 29 ay nakalabas na sa ospital ang mga estudyante maliban sa isa na na-discharge sa ospital kinaumagahan.
Kinumpirma ni Nurse Jekyll M. Dario ng ADH na mula tanghali ng Hunyo 30 ay nakalabas na ng ospital ang lahat ng naconfine na estudyante ng Natubleng.
Ayon sa imbestigasyon ng otoridad, nagpamigay ang dalawang Korean national na sina Lee In Suk at Tiehua Woo sa mga estudyante ng nasabing paaralan ng strawberry flavored puff balls at puff curls noong Hunyo 27.
Pauwi na sana ang dalawang Koreano lulan ng bus patungo sa kanilang tinutuluyan sa Bangao, Buguias, Benguet nang sila ay harangin ng mga tauhan ng Buguias Municipal Police Station matapos malaman ang pagkaospital ng mga estudyanteng nabigyan ng mga strawberry puff balls.
Inimbitahan ng mga pulis sa kanilang istasyon ang dalawang Koreano bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon. Umamin ang mga dayuhan na nagpamigay sila ng naturang mga kendi sa mga estudyante dahil parte ito ng kanilang misyon sa mga bata. Nabili lamang umano nila ang mga puff balls sa isang grocery sa Abatan, Buguias noong Hunyo 24, 2018.
Kinumpirma naman ito ng grocery na itinurong pinagbilhan ng mga wrapped puff balls at sinabing suki nila ang dalawang Koreano.
Kinuha ng mga pulis sa pangunguna ni Buguias police chief Senior Inspector Dexter Ao-wac Simon ang mga natirang strawberry puff balls mula sa mga guro at sa dalawang dayuhan. Humingi rin sila ng dalawang supot ng strawberry puff mula sa grocery at isinumite kay Buguias Municipal Health Officer Dr. Hilda Kimakim para sa toxicology examination.
Nagbigay din ng sample ang mga pulis sa Baguio City Bureau of Foods and Drugs para suriin kung ang mga nasabing produkto ay ligtas na kainin. DEBORAH AQUINO, UC Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon