7th most wanted person, nalambat sa Benguet

LA TRINIDAD, Benguet – Ang pampitong most wanted person sa lalawigan ng Benguet at iba pa ang magkakasunod na nadakip sa pina-igting na kampanya laban sa mga nagtatago sa batas, ayon sa ulat ng Benguet Provincial Police Office (BPPO).
Nabatid kay Police Colonel Lyndon Mencio, provincial director, na ang nadakip na mga most wanted person mula Agosto 19 hanggang 23, ay mula sa bisa ng mga warrant of arrest na inisyu ng korte.
Ayon kay Mencio, nasakote ng kanyang mga tauhan ang tinaguriang No. 7 most wanted person ng Benguet na si Sherwin Galingon Bilog, 40, tubong Bontoc, Mountain Province, at pinaniniwalaang miyembro ng Acetylene Gang sa ilalim ng Gepson Beligen Group.
Dalawang wanted sa kasong Rape ang nadakip at nakilalang sina Ryan Gomintong Banite, 32, ng Salcedo, Ilocos Sur, nahuli sa Barangay Tuding, Itogon, Benguet at Jason Luansin Dela Cruz, 30, ng Dardarat, Tagudin, Ilocos Sur, nahuli sa Cada, Upper Cotcot, Bangao, Buguias, Benguet.
Kasong attempted rape mula sa sala ni Judge Mario Anacleto M. Banez, First Judicial Region, Branch 25, Regional Trial Court, Tagudin, Ilocus Sur, ang pagkakahuli kay Francisco Barba Gaceta Jr., 24, ng Cervantes, Ilocos Sur, na nasakote sa Barangay Ampucao, Itogon, Benguet.
Ang iba pang mga nadakip ay sina Martin Dongui-is Solimen, alyas ‘Boy Negro’’, 28, ng Palitan, Quirino, Ilocos Sur sa kasong Robbery; Jasper Mabli Tomas, 21, Kapangan, Benguet; at Rosemann Basilio de Vera, 31, ng Nangalisan, Tuba, Benguet.
 
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon