Abolisyon ng TSA sa pagpapatitulo ng lupa sa Baguio isinusulong

LUNGSOD NG BAGUIO – Isinusulong ni Mayor Mauricio G. Domogan ang rebisyon ng century-old City Charter at abolisyon ng probisyon na nagbibigay awtoridad sa Townsite Sales Application (TSA) bilang paraan sa pagkamit ng alienable public lands sa lungsod at ang alinmang alienable and disposable land ay direktang ibebenta sa aktuwal na aplikante ng homelot.
Gayundin ay nais ng mayor na idagdag sa rebisyon ng Charter ang re-classification at segregation ng mineral reservation areas sa Gibraltar, Mines View, Loakan-Apugan, Atok Trail at Kias bilang alienable and disposable public lands at ang mga nasabing lupa ay maibenta sa mga residente na umuukupa sa mga nasabing lupain sa pinakamatagal ng panahon.
Ipinaliwanag niya na isa sa requirement ng TSA na paraan para makakuha ng alienable and disposable land ay ang publikasyon ng aplikasyon, kaya nangangamba ang mga kuwalipikadong homelot applicant na sa oras na maipublish ang kanilang lupa sa public bidding ay masasapawan sila ng mayayamang indibiduwal na kalauna’y maipagkakait sa kanila ang posibilad na pagmamay-ari ng lupa na inokupa nila sa maraming taon o mga dekada pa.
“The lands that have been occupied by qualified home-lot applicants pursuant to the existing guidelines should be directly awarded to them instead of being subjected to public bidding that might cause their eventual eviction from their property because they were outbid by rich people who want to own lands in the city, thus, the eed to abolish the TSA mode of acquiring lands,” paliwanag ni Domogan.
Ayon sa kaniya, may ilang mga aplikante na hindi na itinutuloy ang kanilang TSA application kapag daumarating na ang oras na kailangang i-publish ito dahil sa takot na matalo sila sa bidding ng mga maperang tao sa oras na maitakda ang pagsasagawa ng public bidding, kaya ang mga nasabing aplikasyon ay nakatengga sa clearing committee na naghihintay sa mga aplikante na magbigay awtoridad sa publikasyon ng kanilang TSA applications.
Sinabi niya na ang pinakamagandang paraan upang matanggal ang TSA na paraan sa pag-aari ng mga lupa sa lungsod ay ang maglagay ng kinakailangang amiyenda sa umiiral na City Charter, para ang parehong probisyon ay mabubura at mapalitan ng isang probisyon na magbibigay ng direktang paggawad ng available alienable and disposable lands sa mga kuwalipikadong aplikante ng home-lot, lalo na ang mga matagal nang okupante na umabot na ng ilang dekada.
Ibinunyag pa ni Domogan na ang isa pang isyu na mareresolba sa pag-apruba ng kinakailangang mga amiyenda sa City Charter ay ang legalisasyon ng “swapping” ng mga lupa sa pagitan ng Lungsod ng Baguio at Tuba, Benguet para mapanatili ng lungsod ang prescribed 57.4 square kilometer na land area.
Sa ngayon ay halos three-fourths ng land area na okupado ng municipal hall ng Tuba ay nasa hurisdiksiyon ng Lungsod ng Baguio, kaya nagkasundo ang dalawang lokal na gobyerno na magpalitan ng sukat ng lupa na pag-aari ng lungsod gayundin sa pag-aari ng Tuba sa Dontogan na ang technical description nito ay isasama bilang bahagi ng revised Charter na patuloy na nakatengga sa Kongreso para sa deliberasyon ng mga komite kung saan idinulog ito.
Ang amiyenda sa City Charter ay ipinasa ng 15th Congress sa pamamagitan ng insiyatibo ni dating congressman Bernardo M. Vergara ngunit ito ay bineto ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III dahil sa mga rason na tinutulan ng lokal na gobyerno.
 
PIO/PMCJr/ABN

Amianan Balita Ngayon