Batang Pinoy, iniurong sa Setyembre 17-22

LUNGSOD NG BAGUIO – Napagkasunduan ng mga opisyales ng Philippine Sports Commission (PSC) at ng lokal na pamahalaan na ilipat ang schedules ng palarong nakalinya para sa Batang Pinoy national championships mula Setyembre 16, 2018 ay Setyembre 17, 2018 na upang palipasin ang typhoon Ompong para sa kaligtasan ng mga kalahok.
Naabot ng PSC at ng lokal na pamahalaan ang desisyon sa ginanap na emergency meeting noong Setyembre 12 kung saan napagkasunduan din na ang grand opening parade at makulay na opening ceremonies ay makakansela at magkakaroon ng grand closing program sa Setyembre 22, 2018.
Sa karagdagan, iniutos din ni Mayor Mauricio G. Domogan ang suspension ng mga klase sa lahat ng kinilalang paaralan, lalo na sa Baguio Central School, Josefa Carino Elementary School, Pines City National High School, Baguio City High School, Mabini Elementary School, Quezon Elementary School at SPED Center simula noong Setyembre 12 ng 3pm hanggang sa Setyembre 21, 2018.
Ayon kay Domogan, ang preparasyon ng mga magtatanghal sa mga nakanselang grand parade at opening ceremonies ay hindi masasayang dahil mabibigyan sila ng pagkakataong ipakita ang kanilang pagtatanghal sa gaganaping grand closing program na tutunghayan ng mga lumahok na atleta at sports officials, kabilang ang kanilang mga magulang, chaperon at iba pang kasama.
Ang pagpaparehistro ng mga kalahok sa 28 sports na nakalinya para sa Batang Pinoy national championships ay nagsimula sa Baguio City High School habang ang mga delegado mula sa iba’t ibang local governments ay nagsisidatingan sa lungsod.
Ang simula ng mga palaro para sa Batang Pinoy national championships ay nakatakda noong Setyembre 16, 2018 subalit dahil sa masamang kondisyon ng panahon sa lungsod at sa probinsiya sa nasabing araw, kaya ito nailipat.
Nananatiling positibo ang PSC at city officials na ang kondisyon ng panahon sa Baguio at Benguet simula Setyembre 17, 2018 ay maayos matapos makaalis ng Philippine area of responsibility ang bagyo upang mabigyan ng pagkakataong makita ng publiko ang iba’t ibang palarong nakalinya sa week-long sports competition.
Nakalaang magbigay ng tulong ang mga opisyales ng PSC sa mga delegado mula Visayas at Mindanao na nagpa-book ng kanilang biyahe pabalik upang ma-justify ang rebooking ng kanilang mga biyahe pabalik sa kanilang lugar matapos mapagdesisyunang ilipat ang schedule ng palaro.
Halos 7,000 na mga atleta at sports officials ang inaasahang kalahok sa 28 events na nakalinya sa kompetisyon kung saan 22 games ang lalaruin sa mga sports venues sa lungsod habang 6 sports events ang lalaruin sa sports facilities ng La Trinidad, Benguet. BAGUIO PIO / ABN

Amianan Balita Ngayon