Bilang ng kidney failure patients sa CAR tuloy ang pagdami

LUNGSOD NG BAGUIO – Tumaas ang bilang ng mga kidney failure patient ngayong taon kung saan umabot na sa 1,013 sa buong Cordillera region, ayon sa tala ng Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) kasunod ng paglunsad ng kidney awareness month sa temang “sa malusog na bato, kinabukasan ay sigurado”.
“Until now, there is an increased number of kidney patients having kidney diseases, so again this is the time to give awareness to take care of their kidney”, ani BGHMC Department of Internal Medicine Medical Specialist III Virginia B. Mangati.
Ayon kay Dr. Mangati, ang kidney failure ay ang paghina ng kidney, kung saan tumataas ang antas ng Blood Urea Nitrogen (BUN) at creatinine sa dugo.
“Kung hindi healthy ang lifestyle, magkakaroon ng komplikasyon at ang end nito ay kidney failure”, dagdag ni Mangati.
Sinabi niya na ang unang kadahilanan ng kidney failure ay ang pagkakaroon ng diabetes at hypertension. Ang diabetes ay isang karamdaman kung saan ang katawan ay hindi makalikha ng sapat na insulin o kaya ay hindi makaresponde nang maayos dito.
Ang hypertension naman ay ang labis na pagtaas ng blood pressure na dumadaloy sa mga ugat. Kapag nagpatuloy ang mga nasabing karamdaman at magkaroon ng komplikasyon ay magdududulot ito ng sakit sa bato.
Dinagdag pa niya na ang mga pasyente ay sumasailalim sa dialysis. Ang dialysis session ay umaabot sa apat hanggang limang oras.
Pinaaalalahan ni Dr. Mangati na dapat mag-ehersisyo palagi, huwag manigarilyo, kumain ng masustansyang pagkain, magpakonsulta sa doctor kung may sintomas na nararamdaman, uminom ng maraming tubig, iwasan ang maalat na pagkain, at magkaroon ng annual check-up sa doctor para makaiwas sa sakit na ito.
“Know yourself, love yourself, love your kidneys”, ani Mangati.
 
Lina Sotelo, UC Intern/ABN

Amianan Balita Ngayon