“BROTHELS SA ILOCOS REGION, BILANG NA ANG MGA ARAW?”

Aligaga sa kasalukuyan ang mga opisyal at ahente ng National Bureau of Investigation sa Rehiyon 1 sa pamumuno ni Atty. Eduard Hector Geologo kontra sa mga bars sa buong Ilocos Region na nagmimistulang mga pugad ng prostitusyon o brothels. Bunsod ito nang i-rescue ng NBI Region 1 at DSWD Region 1 ang 11 kababaihan at isang menor de edad mula sa Juan Shot videoke bar sa barangay San Francisco, Agoo,
La Union na mistulang brothel o “whorehouse” noong Setyembre 22, 2022.

Ang siste ng brothel aalukin ng Guest Relations Officer (GRO) ang customer ng “extra service” sa VIP room (na hindi lang sofa kundi kama ang laman) sa halagang P2,000 na babayaran sa cashier.
Mahusay sa pagnenegosyo ang nasa likod ng brothel dahil mabibili sa cashier ang mga prophylactics
at sex-enhancing pills kung ang customer ay nangangailangan. Hiniling ng NBI na ipasara ng pamahalaang bayan ng Agoo na pinamumunuan ni Mayor Frank Sibuma ang Juan Shot videoke bar dahil sa mga patong-patong na paglabag nito sa batas, at mapanagot ang mga naasa likod ng prostitusyong nagaganap sa lugar.S a mga susunod pang mga mabubuking na pook aliwan na may halong kababalaghan, otomatiko na sana sa pamahalaang bayan ang pagsasara nito.

Hindi na kailangan pa ng mahabang diskusyon kung bakit. Lalong hindi na rin kinakailangan pang hinihiling ang pagsasara ng pamahalaang bayang sumasakop dito. Maliban na lamang kung malakas sa pamahalaang bayan o sa mga iba pang opisyales ang mga nasa likod ng mga negosyong brothel na
kahalintulad ng sa Agoo. Ngunit kung sinasanto ng mga pamahalaang bayan ang mga iligalidad gaya ng brothels na tinatabingan bilang videoke bars upang makawala sa mga pananagutan, hindi sila sasantuhin ng mga matutuwid na kagawad ng NBI Region 1. May kalalagyan ang mga tiwaling opisyales na nagbibigay ng “protection” sa mga iligalidad, hindi man sa kulungan, baka sa “kangkungan”.

Amianan Balita Ngayon