Cellphone ng DSWD employee, muntik natangay na kawatan

LUNGSOD NG BAGUIO – Halos maitangay na ang iPhone 6S na tinatayang nagkakahalaga ng P20,000 na pag-aari ng isang empleyado ng Department of Social Welfare and Development nang nailigtas ito mula sa kamay ng kawatan ng tauhan ng Peace and Order Safety Division (POSD).
Sa ulat ng Baguio City Police Office ay nakilala ang biktima na si Garri Bringas Brillantes, 35, single, DSWD employee at residente ng Bangued Abra habang ang naarestong suspek ay nakilalang si Sonny Seguin Dela Cruz, 45, married, at residente ng Purok 8, Green Valley, Dontogan, Baguio City.
Napag-alaman na naglalakad ang biktima sa Kalaw Street, Upper Session Road, Baguio City dakong 9:30 ng umaga ng Setyembre 10 nang binuksan ng suspek ang back pack ng biktima.
Nasaksihan ang pangyayari ni Rufino Kilip Madlon, isang POSD employee, at kasama nito kaya kinompronta ang suspek. May kasama ang suspek ngunit nagpumiglas ito at nakatakbo.
Sa kabila nito ay narekober kay Dela Cruz ang iPhone na positibong kinilala ng biktima na pag-aari nito.
Isinangguni ang naturang kaso kay Inquest Prosecutor Ruth P. Bernabe na nag-utos para i-detain ang suspek sa Baguio City Jail.

Amianan Balita Ngayon