2 bangkay ng lalaki, natagpuan sa Benguet

Natagpuan ang dalawang bangkay ng lalaki sa magkasunod na araw ng Setyembre 11 at 12, 2018 sa magkahiwalay na lugar sa Benguet.
Nakatanggap ng tawag bandang 8:50am ng Setyembre 11 ang La Trinidad MPS mula kay Barangay Kagawad Denver Nabus upang iulat ang diumano’y bangkay ng lalaki na natagpuan sa loob ng greenhouse sa Bineng, La Trinidad, Benguet.
Kinilala ang biktima na si Jefferd Moyao Patras, 18anyos, Grade 12 student at tubong Bineng, La Trinidad, Benguet.
Ayon kay Marlon Patras, kapatid ng biktima, pumunta si Jefferd sa greenhouse bandang 7:30pm ng Setyembre 10 upang kumuha ng ilang damit. Bandang 6am ng kasunod na araw, nagpunta si Marlon sa greenhouse at nakita ang biktimang nakahandusay sa loob at matigas na ang katawan. Ipinaalam ni Marlos sa kaniyang kamag-anak at kapitbahay ang insidente at matapos ay tumawag ng police assistance.
Bandang 12:30pm ng Setyembre 11, dumating ang Benguet Provincial Crime Laboratory Office personnel sa pangunguna ni PCI Shanne Lore A. Dettabali sa crime scene subalit sinabihan sila ng mga kamag-anak ng biktima na kumbinsido sila na ang pagkamatay ng biktima ay dahil nakuryente at walang foul play na nangyari, at tumangging magsagawa ng autopsy. Ang sanhi ng pagkamatay ng biktima ay hindi pa rin alam. Ang mga kamag-anak ng biktima ay tumangging makipagtulungan para sa mas malalim na imbestigasyon sa insidente.
Samantala, natagpuan naman ang bangkay ng lalaking nakalupasay bandang 6:30am ng Setyembre 12 sa Panglaw creek sa Km. 6, Asin Road, Tadiangan, Tuba, Benguet.
Kinilala ang biktimang si Buddy Cabrera Jr., senior citizen at residente ng Km. 6 Tadiangan, Tuba, Benguet.
Sa imbestigasyon, bandang 8pm ng Setyembre 11, nagpaalam ang biktima sa kaniyang mga kamag-anak na pupunta siya sa Panglaw creek upang mag-hunting. Subalit natagpuan na lang ang katawan ng biktima kinabukasan.
Ayon sa SOCO team sa pangunguna ni PCI Lord Epino De Mesa na ang sanhi ng pagkamatay ng biktima ay dahil sa traumatic head injury.
Naniniwala ang pamilya ng biktima na ang sanhi ng pagkamatay ay dahil sa natural na aksidente at tumangging ipasailalim sa autopsy ang katawan ng biktima.

Amianan Balita Ngayon