CHR-CAR nagtakda ng diskusyon sa mga stakeholder

LUNGSOD NG BAGUIO – Magsasagawa ng focus-group discussions (FGDs) ang Human Rights-Cordillera Administrative Region (CHRCAR) sa mga stakeholder mula sa iba-ibang sektor sa Setyembre 11 hanggang 13, 8:30 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon sa Eco-Lodge, Resurrection Church compound, Magsaysay Avenue dito.
Sinabi ni CHR-CAR Director Romel Daguimol na ang tatlong araw na aktibidad ay kaugnay sa layunin ng CHR na “standardizing processes and ensuring compliance to Quality Management System”. Inatasan ng CHR ang lahat ng regional office nito na magsagawa ng FGD sa kanikanilang mga stakeholder tulad ng civil society organizations, academe, government agencies, local government units, vulnerable and marginalized sectors, at iba pa.
Ipinaliwanag ni Daguimol na ang mga FGD ay magbibigay sa kanyang opisina ng oportunidad na itaguyod ang isang “customer focused” na pag-iisip at makalikom ng “first hand” na mga suhestiyon o rekomendasyon mula sa iba’tibang sektor, kasama sa pagasang matupad ang mas mahusay na mandato nito sa pamamagitan ng mga programa at serbisyo na nakadisenyong maibigay ang mga pangangailangan at ekspektasyon ng mga kliyente o mga client-responsive programs, mga aktibidad at proyekto.
Dagdag pa ng opisyal na ang FGD ay paunang hakbang din sa pagpaplano at maaaring magamit ng kanyang opisina ang mga resulta ng diskusyon upang i-validate o i-update ang Stakeholders’ Mapping nito.
Sa isang liham kay Mayor Benjamin Magalong, iniimbita ni Daguimol ang ilang napiling miyembro ng Baguio City human rights team sa pamumuno ni city administrator Bonifacio dela Peña na makilahok sa mga diskusyon.
 
GK, PIO-Baguio/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon