Habang lumuluwag ang sinasakup ng corona virus sa mundo, maraming bagay ang
sumisikip.
Una sa lahat, marami sa mga nabibiktima ng Covid- 19 ang sumisikip ang daigdig sa
sandamukal na problema. Yong iba, nababaon na sila sa hukay ng alanganin. Yong iba nga, sa tindi ng depresyon, may mga lumulundag na sa sa mga gusali o in short..nagpapakamatay.
Habang lumuluwag ang sinasakup na espasyo ni Covid-19, sumisikip naman ang espasyo ng mga tao upang lumaban. Pero, hindi dapat patalo ang sangkatauhan. Di man nakikita ang kalaban, di tayo dapat maging bulag…dapat makikita natin siya at labanan sa ano mang paraan.
Marami na ang namamatay. Ang masakit nga, marami ng mga frontliners ang humiwalay sa mundong ito. Ang masakit, mga doctor, nurses at mga kauring frontliners pa mandin.
Nakakalungkot na pangyayari ito. Ngunit dapat lang tanggapin bilang bahagi ng ating mga pagsubok. Sumisikip man ang ating tinatahak, di tayo dapat mawalan ng tiwala at pagasa na makakayanan natin ito.
Nakakalungkot nga lang tanggapin na kung sino pa ang mga taong nagsasakripisyo upang tayo ay maligtas, sila pa ang nauunang mawalay sa daigdig. Sa ating bansa, may pangako naman ang ating gobyerno na sila ay mabibigyan ng karampatang pagkilala sampu ng kanilang mga mahal sa buhay.
Sabagay, ang ating mga bayani ay nagbuwis ng buhay alang-alang sa bayan. Kinilala sila at nagkaroon ng mga bantayog at moog upang kahit sa anong panahon, maalaala natin ang kanilang kadakilaan.
Sana ganun din ang ating adhika para sa mga frontliners na nagsakripisyo para sa atin.
Marami pa sa ating kababayan ang nasa bingit ng di mawaring kalagayan para sa kaligtasan ng lahat. Sana, isama natin sila ating lingap at dalangin.
******
Sa ekonomya ng bansa…dama natin ang matinding pagsisikip ng sintron upang manatiling nakatindig.
May mga negosyong napilitang magsara o magbawas ng empleado o tauhan, upang makapagpatuloy ng operasyon.
Masakit para sa mga nawalan ng hanapbuhay at masuwerte sa mga naiwan. Marami talagang pamilya ang nagutom. Wala na ang kasabihang tatlong beses kumain sa maghapon.
Parang wala na ring saysay ang isang-kahig, isang tuka. Ang nagaganap ngayon sa maraming pamilya sa ating bayan ay walang kahig, walang tuka. Sabagay, bilang konsolasyon, pards…hindi tayo nag-iisa sa ating bansa.
Sa buong Asya at buong saigdig, marami na ang nagugutom. Sa Estados Unidos nga na kinikilalang maalwang bansa ay grabe na ang riots at protesta.
In short, halos mag-aalsa na ang mga mamamayan dahil lamang sa hagupit ni Covid-19.
May mga bansa na nga na napipilitan nang magnakaw ang mga tao, may makain lamang. Hindi pa tayo dumarating sa ganitong situasyon sa ating bansa bagama’t, meron ding mga pagtatangka pero napipigilan dahil sa paghihigpit ng ating pamahalaan.
Buti nga sa atin, iginagalang pa ang batas. Pero, papano na kung ang sikmura ay wala ng laman at wala nang ihihigpit pa ang ating sintron? (Hwag na sanang dumating sa ganitong kalagayan.)
*****
Dalangin ng marami, sana makahanap pa ang ating pamahalaan ng mga paraan upang makapag-ayuda pa sa mga nangangailangan. Sana, matuto ring magsikap ang ating mgakababayan upang hindi lang umaasa sa tulong ng ating gobyerno.
Sana, maiwasan ang pagsasamantala. At sa mga buwayang nanakmal sa mga naghihirap, sana’y matukoy at mapatawan ng mabigat na parusa.
At liban sa mga tuntunin o Covid-19 protocol na dapat sundin, huwag isantabi ang ating lingap sa kapwa at patuloy na pananampalataya sa Poong Maykapal. Adios mi amor, ciao, mabalos.
February 10, 2025
February 1, 2025
January 27, 2025
January 12, 2025
January 4, 2025
December 28, 2024