COVID VS. GALIT…Sino ang Knock-out?

Anak ng bakang bakla na pinsan nina santisima at susmaryusep….nagaganap na ang ating pinangangambahang mangyari dahil kay Covid-19.

Salasalabat na kabuisitan at kabalbalan ang sumabay sa ating mabigat na problema. Aba’y mantakin mong pasukan na ito ng “rally” o ala-”riot” na asta? Bakit? Dahil daw sa gutom na sila. At bakit? Sino ba ang hindi nagutom mga pards?

Mga taga-Ladamay lang ba? Sabi nila, isinasaboses daw nila ang damdamin ng mga nagugutom na kababayan nating di pa nakatikim ng relief. He, he…napakababaw naman yatang dahilan, sabi ng marami. Sila lang ba ang nagutuom. Sige, salamat sa kanilang eksena, pero kung mas matinding perwisyo ang katumbas, aba, Toy…huwag na lang.

Baka naman ginagamit lang ang isyu ni Covid-19 para magparamdam ang mga yan, upak ng ilan. Baka raw gusting makakuha ng simpatiya sa kuno ay pagmamalasakit nila. Hayy buhay…tumigil nga kayo, mga kalahi. Lahat tayo ay apektado ng Covid na ito.

Totoong may ipinaglalaban kayong damdamin. Kami rin. Pero ilagay natin sa legal at makataong estilo. Hindi yong binabarumbadong paraan. Mga edukadong mamamayan ang mga Pilipino. Salamat sa alalay…ngunit kung sablay na ang daan, aba’y teka lang, pards. Below the belt na yan, di ba, pareng Manny Pacman?

******
Ano bang nangyari, pards at ganun na lamang ang galit ni Pangulong Digong kamakailan? Ganire, mga kabayan: may ala-protesta kuno ang naganap sa may Quezon City kamakailan. Ayon sa ulat ni Rannie Ludovico, Action Officer ng Quezon City Task Force Disiplina…parang inudyukan diumano ng samahang Kadamay ang ilan nilang mga miyembro na ikalat sa naturang lungsod na ang DSWD ay mamimigay ng cash benefits sa mga biktima ng gutom dahil kay Covid-19.

Natural, kinaumagahan, dagsa na ang mga ka-miyembro daw nila at mga nahila pang iba. Nakisimpatya at kuntodo plakards pa sila na sila’y gutom na. Parang tinatapik ang gobyerno. At dahil mass gathering na ito, kumilos ang mga otoridad. Hinuli sila.

Pakiusap naman ng mga makaprotesters at makabayan kuno…sana ay pakawalan na sila. Sagot ni Pres. Duterte: hindi puwede. Hanggang narito sa bansa ang Covid-19, doon sila sa kulungan. Sa ganitong pagkakataong krisis nga naman tayo at isasabay mo pa ang mga rally, talagang hindi papasa daw kay Digong. At siguro may naala-ala si Apo Digong kung ano ba itong Kadamay na ito sa nakalipas kaya ‘t lalo yang napundi at umupak. “ Do not intimidate the government. Do not challenge the government. Matatalo kayo.

Ang tulong ng gobyerno ay nariyan, darating din sa inyo. Maghintay lang kayo.” Yan ang tiim-bagang na banat ni Pres. Duterte na para bang ang katuturan ay- huwag nating subukan ang kanyang administrasyon o huwag siyang salingin sa panahong ito.
******
Marami pang patutsadang sinabi ang pangulo lalo na sa relief operations kung saan sinabi niyang inalis na niya ang responsibilidad sa mga pulitiko ang naturang trabaho. Iniatang na niya sa DSWD ang lahat ang pamimigay ng cash at food assistance sa mga biktima ni Covid-19 lalo na ang mga tunay na nangangailangan ng lingap.

Noon pa kasi siya nagbabala sa mga nangungurakot at nagsasamantala. Siguro hindi sila nakinig, ika . Tinuran din niyang may mga pinakulong na siyang mga nagsamantalang mga taga-gobyerno. Talagang grabe na ang galit ng pangulo na sinabayan pa ng “rally”.

Kaya ang kanyang malasakit sa bayan ay nasabayan na ng “galit at ngitngit karugotng ng mga babala”. Tanong…saan kaya hahantong ang ganitong eksena? Galit vs. Covid – sino kaya ang mana-knockout?

Ang sagot namin: ang taumbayan ang talo kapag hindi tayo nagkaisa. Ang aral…sa ganitong situasyon, pairalin sana natin ang galang o respeto at pagsunod o pagtalima sa tamang tuntunin kontra Covid19. Alisin na natin ang makasariling layon at magkabigkis-bigkis na labanan ang virus na ito. Maging tunay na Pilipino “ sa isip, sa salita at sa gawa”, amen. Adios mi amor, ciao, mabalos!

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon