Benguet hospital tumanggap ng PhP2.5M halaga ng PPEs

LA TRINIDAD, Benguet – Nagbigay ng donasyon si ACT-CIS Representative at Benguet Caretaker Eric Go Yap ng mahigit PhP2.5 milyon halaga ng personal protective equipment (PPE) at iba pang hospital supplies para sa frontliners ng Benguet General Hospital (BeGH) na lumalaban kontra sa coronavirus (COVID-19).
Ipinasakamay ni Benguet Congressional District Head Coordinator Anthony Kuan ang personal na donasyon ni Yap kay BeGH Chief of Hospital Dr. Meliarazon Dulay at Vice Governor Johnny Waguis noong Marso 30.
Kabilang sa donasyon ang 30 piraso ng thermal scanners, 1,500 piraso ng hazmat suits, 1,500 piraso ng N95 masks, 140 kahon ng surgical gloves, 240 kahon ng facemasks, 900 piraso ng goggles, 600 gallons at dalawang drum ng alcohol at 14 piraso ng acrylic box.
Sinabi ni Kuan na sisiguruhin ng donasyon na mayroong sapat na PPEs at supplies ang mga medical worker ng BeGH na nag-aalaga sa mga person under investigation, persons under monitoring at posibleng COVID-19 positive cases.
Kamakailan ay kinumpirma ng Department of HealthCordillera ang dalawang COVID-19 positive cases sa probinsiya, kapwa mula sa bayan ng La Trinidad.
Nauna ring nagbigay ng donasyon si Cong. Yap ng PhP1 milyon sa pamahalaang lalawigan ng Benguet upang suportahan ang laban kontra COVID-19 sa probinsiya. Namahagi rin ang mambabatas ng mga bitamina para sa mga senior citizen ng probinsiya.
Nais ipahayag ng Benguet Caretaker sa mamamayan ng Benguet na negatibo siya sa sakit na COVID-19 na itinatama ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na ang resultang positibo na nauna nang napaulat ay dahil pagkakamali sa encoding.
Noong Martes ay tumanggap din ang BeGH ng PPEs na binubuo ng protective suits, face masks at gloves mula sa donasyon no Senator Christopher Lawrence “Bong” Go sa pamamagitan ng koordinasyon ni Presidential Communications Operations Office Assistant Secretary Marie Rafael at Ryan Mangusan. Ang donasyon ay bahagi ng suporta ni Senator Go sa iba’t-ibang ospital sa rehiyon ng Cordillera na lumalaban sa COVID-19 virus.
RMC-PIA-CAR/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon