Daan-daan baboy pinatay sa Benguet dahil sa ASF

LA TRINIDAD, Benguet – May kabuuang 224 baboy ang pinatay sa nagdaang linggo sa Barangay Beckel dito at Camp 1 sa bayan ng Tuba matapos maging positibo angmga sample na kinuha sa mga piggery sa African swine fever (ASF).
Sinabi ni Dr. Meriam Tiongan, provincial veterinarian na ang “1-7-10” protocol ay ipinatupad upang mahadlangan ang posibleng pagkalat ng virus.
Sinabi ni Tiongan na 189 baboy ang pinatay sa loob ng isang-kilometrong radius ng ASF “ground zero” sa Sitio Obulan sa Barangay Beckel matapos maging positibo sa virus ang blood samples ng mga baboy sa isang backyard piggery sa nagdaang linggo.
Ang 35 pa na baboy ay pinatay sa isang commercial piggery sa Camp 1 ilang araw bago ang pagkakatuklas ng kaso sa Barangay Beckel.
Nasa walong sitio sa Barangay Beckel — Sapsing, Bakung, Marlboro Country, Gungel, Pagal, Central, Ulnai, at Busi – ang apektado sa pagpatay ng 189 baboy, na siyang ikinabubuhay ng 31pamilya sa lugar.
Sinabi niya na sa una ay tumanggi ang mga magbababoy na patayin ang kanilang mga alaga ngunit kalauna’y pumayag din matapos ipaliwanag na ang pagpatay (culling) ay kailangan upang masiguro na hindi kakalat ang ASF sa mga kalapit na piggery.
“It was difficult considering that ordinary residents owned them, saving them for the tuition of their children, or were raised to be butchered for the observance of a traditional practice of offering to the gods (Napakahirap dahil pag-aari ito ng mga ordinaryong tao, para sana sa tuition ng kanilang mga anak, o inalagaan upang katayin sa pagdiriwang ng isang tradisyunal na kaugalian bilang alay sa mga dios),” ani Tiongan.
Kasunod ng pagputok ng ASF sa Luzon noong nakaraang taon ay inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang PhP1 bilyon pondo upang matulungan ang mga hog raisers na pinatay ang kanilang mga alagang baboy.
Sa “1-7-10”protocol, ang mga natuklasang nasa loob ng pitong kilometro ay sasailalim sa regular blood testing. Hindi maaaring ibenta o ilabas sa lugar ang mga nasabing baboy.
Ang mga baboy sa loob ng 10-kilometer radius ngunit lagpas sa pitong kilometro ay sasailalim sa monitoring at kailangan ireport ng mga may-ari ang kalagayan ng kanilang mga alaga at ipagbigay-alam sa mga awtoridad kung may nagkasakit sa mga ito.
 
LA-PNA/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon