Dahil kulang ang dental records, mga biktima ng landslide hirap makilala

ITOGON, BENGUET – Hiniling ng forensic team ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mga kamag-anak ng mga biktima ng landslide bunsod ng bagyong Ompong na habaan pa ang pasensya dahil nahihirapan ang mga itong kilalanin ang mga nahukay na bangkay lalo pa at kulang ang dental records ng mga biktima.
Sinabi ng team noong Lunes (Setyembre 24) na nagsimula nang maagnas ang mga nahukay na katawan at hindi na makilala.
“Halos wala na ma-lift na fingerprint,” ani Dr. Wilfredo Tierra, chief of staff ng NBI Forensic Investigation Service, sa pakikipag-usap nito kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Marie Rafael sa Barangay Ucab.
Ani Tierra, katulad ng fingerprints, maipapakita rin ng dental records ang pagkakakilanlan ng isang tao at makikita ang kasarian nito kung nabibilang sa isang pamilya.
“With DNA, you can say they are relatives, you can say who is male and who is female, but you cannot tell the relatives who among them is Juana, Pedro, Petra, Karlo, or Peter. You can only say they are relatives,” paliwanag ni Tierra.
Dagdag pa niya, mas mainam ang dental records dahil maipapakita nito eksakto kung sino ang narekober na katawan.
Ngunit dahil mahirap nang makuha ang fingerprints ng mga biktima at walang dental records ang mga ito ay tanging pagkuha ng DNA na lamang ang natitirang maaaring gawin.
“So ang nagiging fallback na lang is DNA, which is a very complicated and expensive process,” ani Tierra.
Aniya, dahil sa DNA examination, “the release of bodies will take time, as intensive examination is being conducted to determine the identity of the recovered cadaver.”
Ngunit kahit na nakakapagod at kailangan ang mas matagal na panahon ng naturang proseso ay nagawa ng team na makilala ang isang bangkay noong Sabado (Setyembre 22), ani Tierra.
Dagdag niya, gumagamit din sila ng secondary evidence sa pagkilala sa mga bangkay.
“From here, we have a very overwhelming secondary parameters of identification, like clothing, deformities, malformation, tattoo marks, jewelry, which we can use in identification, but there has to be an evidence as we are dealing with legal implications later on if we commit a mistake,” paliwanag niya.
“Hindi po natin pwedeng madaliin ito. Iniuugnay po ito sa lahat ng bagay sa pagkakakilanlan sa kanila. Kumukuha din po tayo ng document from relatives like dental records, but most of them do not have any,” aniya.
Ang NBI team ay binubuo ng mga doktor, mga dentista, fingerprint examiner, at support staff, na nagsasagawa ng identification process.
Noong Setyembre 22 ay may naibigay nang 15 na katawan sa mga claimants.
“Masusi po ang imbestigasyon, hindi pwedeng madaliin. Nasauli na rin properties (sa claimants),” ani Tierra.
Ang NBI ay sisidlan o imbakan ng lahat ng mga fingerprint at dental records, saad ni Tierra.
Ang Presidential Decree No. 1575 na inilabas noong Hunyo 11, 1978 ay nag-uutos sa mga dentista na itago ang mga record ng kanilang mga pasyente at matapos ang 10-year lapse mula sa huling entry ay ipapasa ang record sa NBI upang magamit sa pagkilala ng mga tao na makakatulong sa paglutas ng krimen at mga pagtatalo gaya ng paghahabol sa damages, insurance, at mana.
Iginiit din ni Tierra ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kompleto at updated na dental records.
“An oral examination will take only about five minutes, the most practical, the cheapest, and easiest for comparison to use in identifying cadavers,” aniya.
Dagdag pa niya, ang Pilipinas ay pangatlo sa most disaster-prone countries sa mundo at karamihan sa mga biktima ay mahihirap. “We have a lot of experience when the fallback in identifying cadavers is DNA,” aniya at binanggit ang kakulangan ng dental records ng mga Pilipino.
“Mga mahihirap na kababayan ang prone sa hazard and disasters na wala silang ganun, pero sana magkaroon ng programa kasi nakakatulong din,” ani Tierra.
Samantala, sa pagsasagawa ng DNA examination, lalo na sa nangyari sa Itogon, ipinaliwanag ni Tierra na ang biological samples ay itinutugma sa bawat sample.
Aniya, bawat sample ay nagkakahalaga ng tinatayang P25,000 at kailangan ng apat na sample mula sa malapit na mga kamag-anak ng bawat biktima.
“Hindi ito tulad ng napapanood natin sa television na napakadali. We are dealing with a mass casualty. Bawat process may kanya-kanyang DNA profile na kailangan at may equipment na kailangan,” ani Tierra.
“We need at least two primary reference samples. Example, ang nawawala ay anak. Yung parents, siblings, o offspring kukunan. Mas marami, mas maganda and the government spends for it,” dagdag nito.
Aniya, ang mga sample ay sinusuri gamit ang genetic analyzer na nakuha ng NBI sa halagang P15 milyon.
Kalahati ng DNA ng isang tao ay mula sa isang magulang, kaya kailangan ang sample sa parehong magulang. Sa kaso kung saan wala ang parehong magulang ay kinukuhanan ng sample ang mga kapatid o anak, dagdag ni Tierra.
“Using the genetic profile of the cadaver as reference and manual matching with relatives or software matching, the relationship can be determined,” aniya.
Sa software matching, ani Tierra, ang validation ng encoding ay dapat isagawa upang makuha ang eksaktong relasyon sa mga kamag-anak.
“This is a very complicated and expensive process. That is why we are pushing for the use of dental records, which is fast and practical,” aniya.
Noong una ay tumanggi ang maraming kamag-anak ng mga biktima ng landslide sa autopsiya at iba pang proseso na hinihingi ng mga forensic experts dahil labag umano ito sa kanilang kultura.
Ngunit matapos na nagpaliwanag ang forensic team ay nakumbinsi ang mga kamag-anak na isailalim sa scientific process ang pagkilala sa mga biktima.
Mabuti na lamang, ani Tierra, dahil tumulong ang ilang pinuno ng mga ito sa pagkumbinsi sa kanila.
Samantala, ipinangako naman ni Rafael na ipapaabot ang issue sa dental records sa Department of Health at iba pang kinauukulang ahensya upang masimulan sa mga empleyado ng gobyerno ang pagkakaroon ng kompleto at updated na dental record.
“Probably we can ask the DOH and the DILG (Department of the Interior and Local Government),” ani Rafael. L.AGOOT, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon