Dating rebeldeng NPA, nagsuko ng armas

Police Patrol

CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Upi, Gamu, Isabela- Isang dating miyembro ng New peolple’s Army ang nagsuko ng kanyang armas sa sa 77th Infantry Battalion ng Philippine Army, noong Hunyo 9, matapos ang boluntaryong pagsuko nito sa pamahalaan.

Nabatid kay Maj.Julian Dulawan, chief ng , isang M16 rifle at isang US M1 Carbine ang sinuko ni alyas Ka John-John, kabilang ang tig isang magazine at mga bala nito.

Ayon kay Dulawan, ang pagsuko ni Ka JohnJohn ay bilang suporta umano nito sa pahalaan para sa pagbabagong –buhay, mula sa magulong buhay nito sa kilusan.

Si alyas John-John ay dating miyembro ng Squad Dos, East Front Committee, Komiteng Probinsya-Cagayan, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley ng teroristang CPP-NPA na nagbalikloob sa pamahalaan noong Nobyembre 16, 2020.

Sa pamamagitan ng Community Support Program ng pamahalaan, nabuo ang tiwala ng mga mamamayan sa kasundaluhan na nagresulta ng kanilang pakikipagtulungan upang wakasan ang limang dekadang problema sa insurhensiya.

Patunay dito ang ginawang pakikipagtulungan ng mga kaanak ni alyas John-John na siya ay kumbinsihin upang isuko na ang kanyang itinagong mga baril noong siya ay aktibo pang miyembro ng CPP-NPA.

Ayon kay MGen Laurence E Mina, PA, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army, isa sa mga mahahalagang susi ng patuloy na tagumpay sa kampanya laban sa insurhensiya ay ang pakikipagtulungan at pakiki-isa ng mga mamamayan sa pamahalaan.

“Lubos ang aking pasasalamat sa mamamayan sa kanilang tumitinding pakikipag-ugnayan sa ating kasundaluhan upang wakasan ang insurhensiyang isinusulong ng CPP-NPA.

Ang ating pagtutulungan ay magbubunga ng kapayapaan na magbibigay daan naman sa kasaganaan ng lahat. Sa ating pagkakaisa, tuloy-tuoy nating makakamit ang mas maliwanag na kinabukasan.

Makakaasa siya sa aming pag-alalay upang makuha ang karampatang benepisyo mula sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP” pahayag ni MGen Mina.

Zaldy Comanda/ABN