EJK, muling nagkabuhay?

EJK – Extra Judicial Killings, medyo namahinga nang ilang buwan pero muling nagkabuhay bigla nang mapatay ang isang 17-anyos na si Kian Loyd Delos Santos sa pamamagitan diumano ng mga pulis-Caloocan. Habang sinusulat ang espasyong ito, hindi pa rin tapos ang imbestigasyon. Ngunit sa puntong ito, marami na ang mga naglabasang ulat, kuro-kuro, reaksiyon, nasaksihan, panig ng biktima at pamilya at nagmamalasakit at ganun din sa panig ng mga otoridad. Isama natin ang pinakahuli – ang reaksiyon ni Pres. Duterte. So, biglang nagkabuhay ang isyu ng EJK. Sige, himay-himayin natin ito, pards upang malinawan lahat sa kontrobersiya.

******

Kamakailan, nagkaroon ng misyon ang pulis-Caloocan at doon nasukol diumano ng otoridad ang 17-anyos na si Kian. Diumano ay dawit sa illegal na droga ang suspect o biktima. Ayon sa unang pahayag ng mga isinasangkot na pulis, nanlaban daw ang binatilyo at pinaputukan ang mga pulis kaya nagresponde na ang mga otoridad. Patay si Kian. Ngunit hindi magsisinungaling ang ebidensiya. Pagkatapos ng masusing pagsususuri (otopsiya) sa bangkay ng biktima, sinabi ng Public Attorney’s Office (PAO) na sinadyang patayin si Kian habang nakasubsob. Tatlong tama ang tinamo ito. May isang tama sa kaliwang taynga at dalawa sa likod. Pawang pababa ang tama na indikasyong nakatayo ang bumaril. Isang 9mm na service firearm ang ginamit sa pamamaril. Natagpuan ang bangkay ng estudyante sa isang iskinita na pinagtatambakan ng basura. Ayon sa owtopsiya, walang galos ang katawan ng biktima. Ibig sabihin, taliwas ito sa sinabi ng mga suspetsadong pulis na nanlaban ito. Ayon sa tatlong pulis: tumakbo raw si Kian at bumunot ng baril kaya napilitan din ang mga pulis na siya’y paputukan. Dalawang sachet daw ng shabu ang nakuha kay Kian.

******
Kamakailan ulit, biglang kumambiyo ang dalawang pulis-Caloocan. Umamin sila sa PNP Internal Affairs Service (IAS) na sila ang nakunan ng CCTV footage na kumaladkad kay Kian bago ito pinatay dahil daw nanlaban. Ayon kay PNP-IAS Inspector General Alfegar Triambulo, na base sa kanilang imbestigasyon, lumalabas na taliwas ang mga pahayag ng dalawang pulis na isa raw impormante ang kanilang hinila sa iskinita at hindi si Kian. Hindi pa raw kumpleto ang kanilang isusumiteng report kay PNP Chief Ronald Dela Rosa dahil hihintayin pa nila ang report ng SOCO – Scene of the Crime Operatives. Nasa kustodiya na ng NCRPO ang tatlong pulis: P03 Arnel Oares, P01s Jeremias Pereda at Jerwin Cruz. Mabigat din ang utos ng Pres. Digong: ikulong na ang tatlong pulis matapos mapanood ang CCTV footage. Sinibak din sa puwesto ang precint commander na si Capt. Amor Cerilo, Caloocan City Police Chief Supt. Chito Bersaluna at NPD Police Director Chief Supt. Roberto Fajardo dahil sa command responsibility. Ang pagsibak sa mga matataas na opisyal ay ginawa upang mas mapabilis ang imbestigasyon nang walang bahid na duda.

******
Ayon sa ilang saksi, binigyan daw ng baril ng mga pulis si Kian at sinabing – “iputok mo!”. Ang kasunod nga ay ang bangkay ng biktima sa iskinita. Binatikos ni Pres. Duterte ang madugong drug operations. Sabi niya: kapag napatunayang rubout ang nangyari sa estudyante, papanagutin ang tatlong pulis. At sa panig ng mga nakararami – bakit kailangang patayin ang isang estudyanteng pinaghihinalaan nilang drug runner. Puwede namang arestuhin kung may sapat na ebidensiya. Ang masakit, marami na ang sumakay sa pangyayari. Tiyak na mapapasukan ito ng pulitika at mabibigat pang kontrobersiya upang makilala sila pati na ang kanilang tunay na hangarin sa hinaharap. Dalangin namin: tigilan na ang pagsakay sa isyu. Hayaang matapos ang imbestigasyon at maparusahan ang mga nagkasala, sino man sila. Ngayon dapat ipakita sa bayan ni Pres. Duterte ang kanyang tapang na ipakita na siya’y may kamay na bakal upang supilin ang kriminalidad matamaan na ang matamaan. Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon