Guwardya natagpuang patay sa loob ng pamilihan ng Baguio City

LUNGSOD NG BAGUIO – Isang guwardya ang natagpuang nakabulagta sa loob ng Bamapcom Enterpreneur’s Multi-Purpose Cooperative sa pamilihan ng Baguio City noong Martes, ikalawa ng Mayo, alas-7 ng umaga.
Ang biktima ay kinilalang si Robert Cabatutan Oficiar, 27 anyos, at nagtatrabaho sa El Dorado Security Agency.
Sinasabing sina Simer Arsenio Cholimas, 23 anyos, kolektor sa Bamapcom at Robert Bulato Pacas, 38 anyos, janitor at messenger sa parehong kooperatiba, ang nakakita sa bangkay ng nasabing guwardya.
Ayon sa mga nakakita, sarado pa di umano ang naturang lugar nang kanilang datnan kaya si Cholimas ay naupo sa tabi ng pinto at doon niya napansin ang duguang bangkay ng biktima. Agad nitong sinabi sa kasamahang si Picas.
Sinubukang buksan ng dalawa ang pinto ngunit ito’y nakakandado kaya ipinaalam ni Picas kay Carlos Abanilla, isa sa board members ng kooperatiba, upang siya ang makipag-ugnay sa mga pulis.
Agad rumesponde ang mga pulis. Nakita ang tatlong lata ng beer at mga plastic na baso na nakalay sa lamesa. Sumama rin sa imbestigasyon ang SOCO na pinangunahan ni PSupt. Jaime Rodrigo Leal. Napag-alaman ng otoridad na nagtamo ang biktima ng maraming sugat sa kanyang katawan partikular na sa likod ng ulo. Maliban dito’y nakitaan din ang biktima ng saksak sa kaliwang dibdib. Nakitaan din ito ng hiwa sa braso at parehong mga kamay na ayon kay Leal ay senyales na nanlaban ang biktima.
Ayon sa imbestigasyon, hinihinalang kakilala rin ng biktima ang mga suspek at ito pa ang nagpapasok sa mga ito sa pinangyarihan ng insidente. Sinasabing ang isa sa mga suspek ang pumatay sa biktima habang ang isa ay nagtungo sa 2nd floor upang sirain ang CCTV sa loob at labas ng opisina.
Tinatayang mahigit kumulang P520,000 ang natangay ng mga suspek at kasama na rin ang kalibre 38 na ginamit sa pagpaslang sa guwardya.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga pulisya sa naturang insidente at ayon sa kanila, binabantayan na rin nila ang mga kuha ng mga CCTV na malapit sa pinangyarihan ng insidente. Rhozel Nicole J. Sobremonte, New Era University Intern

Latest News

Amianan Balita Ngayon