Hatol ng Sandiganbayan, guilty sa 7 kaso ng graft; Rep. Marcos, maghahain ng motion for reconsideration

LUNGSOD NG BAGUIO – Inihayag ng panig ni Congresswoman Imelda R. Marcos na binabalak nilang maghain ng motion for reconsideration kaugnay ng desisyon ng 5th Division ng Sandiganbayan na inilabas noong Nobyembre 9,2018 kung saan ay hinatulan itong guilty sa pitong kaso ng graft.
Sa inilabas na 70 pahinang desisyon ng Sandiganbayan 5th Division sa pangunguna ni associate justice Maryann E. Corpus-Manalac at nasertipikahan ni presiding judge Amparo M. Cabotaje-Tang ay hinatulang guilty si Marcos sa pitong kaso ng paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa ilalim ng criminal cases nos. 17287, 17288, 17289, 172890, 22867, 22868, at 22869.

Napatawan si Marcos ng pagkakulong na hindi bababa sa anim na taon at isang buwan at hindi lalagpas sa 11 taon bawat isang kaso na may kasamang perpetual disqualification sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Samantala napawalang-sala ang kongresista sa tatlo pang kaso ng graft dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Ang mga magkakahiwalay na kasong informations for graft ay ipinila sa Sandiganbayan mula 1991 hanggang noong 1995.
Ang mga kaso ay bunsod ng diumano ay pagkakaroon ng kaugnayan ni Marcos at paggamit sa kanyang posisyon bilang opisyal ng gobyerno sa pamamahala, pangangasiwa at pagkakaroon ng personal na interes sa pribadong kompanya at iba’t ibang foundations kasama ang asawa nito, dating Presidente Ferdinand E. Marcos, sa pamamagitan ng kanilang accounts sa Swiss Bank Corporation mula pa noong 1968 hanggang 1991.
“As regards the civil aspect consisting of forfeiture of the assets and accounts of the foundations subject of these cases, the Court defers to the dispositions thereof in the forfeiture proceedings separately instituted against the accused,” nakasaad sa desisyon.
Samantala, sa parehong araw ng paglabas ng naturang desisyon ay nagbigay din ng pahayag ang kampo ni Marcos: “We have just received a copy of the decision of the Sandiganbayan’s 5th Division which was promulgated on November 9, 2018.  Unfortunately, my attorney of record, Atty. Robert Sison, has been indisposed and is presently confined at the Asian Hospital.
“Justice Lolong Lazaro, who has previously appeared as counsel in this case, will act as my counsel in the interim.  He is presently studying the decision and has advised us that he intends to file a Motion for Reconsideration.” ABN

Amianan Balita Ngayon