ILEGAL NA DROGA, PANGUNAHING PROBLEMA SA LUNGSOD NG BAGUIO

LUNGSOD NG BAGUIO – Mahigit kalahati ng mga persons deprives of liberty (PDLs) sa Baguio City Jail male dorm ay nakasuhan sa paglabag sa mga probisyon ng Republic Act (RA) 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Sa kaniyang ulat ay sinabi ni Jail Superintendent Mary Ann Tresmanio, warden ng Baguio City Jail male dorm na sa 353 PDLs, 190 o 53.82 porsiyento ng populasyon ng piitan ay nakasuhan ng iba’tibang paglabag sa droga na nakabinbin sa iba’t-ibang lokal na korte.
Binigyan-diin niya na ang mga kaso ng droga ay nangunguna sa crime statistics ng nasabing jail facility.
Isa pa, sinabi ni Tresmanio na sumunod sa mga kaso ng droga ay 50 kaso ng panggagahasa na nagtala ng 14.16 porsiyento ng kasalukuyang populasyon ng piitan kaugnay ng paglabag sa mga probisyon ng RA 7610 o ang Anti-Child Abuse Law.
Inihayag ng male dorm warden na 21 kasong murder na kumakatawan sa 5.95 porsiyento na ikatlo sa komposisyon ng populasyon ng bilangguan.
Ayon sa kaniya, mayroon ding 16 kaso ng acts of lasciviousness na 4.53 porsiyento at karagdagang 15 kaso ng homicide na 4.25 porsiyento, ayon sa pagkakasunod, ng kabuuang populasyon ng bilangguan.
Tinukoy ng jail officer na ang monthly average ng pagpapalaya sa PDL ay mula 20-25 pangunahin sa pamamagitan ng pagpiyansa, pagka-dismiss ng mga kaso o serbisyo sa sintensiya ng kinauukulang mga PDL sa pamamagitan ng RA 10592 o ang Good Conduct Time Allowance o ang paggawad ng katulad nito dahil sa mabuting asal, pag-aaral, pagtuturo ng mga serbisyo o katapatan ng mga PDL.
Mula Enero 2021 hanggang sa ngayon, ang Baguio City Jail dorm ay napaulat na tumanggap ng 3,583 PDL na may daily average jail population na 330 PDL.
Hanggang Nobyembre 12, 2021 ay may 353 PDL ang ipinasok sa nasabing pasilidad.
Sinabi ni Tresmanio na ang mga bilangguan ay itinuturing na mga enclosed residential spaces, kaya, kailangang sundin ng mga PDL ang community quarantine restrictions dahil ang isang pagkahawa ay kakalat tulad ng isang sunog sa gubat kung sakaling mangyari ito sa nasabing pasilidad.
Inamin niya na ang social o physical distancing ay imposibleng ipatupad sa nasabing pasilidad dahil sa kasalukuyan nilang congestion rate na 134 porsiyento kaya ang lote na donasyon ng lokal na gobyerno para sa isang bagong piitan ay isang sinagot na panalangin para sa kanilang palagiang problema sa mataas na congestion rate.
Ipinahayag ni Tresmanio ang pasasalamat ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa pamahalaang lungsod na isang pagpapakita ng paniniguro ng lungsod na ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno ay karapat-dapat sa sukdulang suporta para sa pagsusulong ng paghahatid ng serbisyo publiko.
Sa nakalipas na ilang taon ay naghahanap ang pamahalaang lungsod ng isang lote na maaaring gawin na bagong jail facility ng lungsod upang makatanggap pa ng mas maraming PDL at palawigin ang kasalukuyang detention cells.
(DAS-PIO/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon