Isa patay sa Panagbenga grand float parade

LUNGSOD NG BAGUIO – Patay ang isang 52-anyos na ginang habang naghihintay na magsimula ang Panagbenga Grand Float Parade noong ika-26 ng Pebrero.
Mistulang bangungot ang sana ay masayang panonood ng grand float parade ng mag-anak na Bautista matapos na idineklarang dead on arrival sa ospital si Evelyn Tabing Bautista, residente ng Naglabrahan, Guimba, Nueva Ecija, nina Dr. Manuel Kelly at Dr. Sydney Padaoil sa Pines City Doctors Hospital noong Linggo.
Ayon sa mga doktor, myocardial infarction o heart attack ang ikinamatay ng ginang.
Bago ang insidente, maagang nagtungo ang ginang kasama ang kanyang pamilya sa Session Road upang maghanap ng magandang mapu-pwestuhan upang makapanood ng parada.
Habang sila’y naghihintay mag-umpisa ang parada, bigla na lamang nag-collapse ang ginang at agad naman itong nilapatan ng paunang lunas ng mga naka-stand by na medics team bago dalhin sa pagamutan.
Gayun pa man, tuluyan nang binawian ng buhay ang ginang matapos itong atakehin sa puso.
Tumanggi ang pamilya Bautista na ipa-autopsy ang kanilang ilaw ng tahanan dahil tanggap nilang ang kanyang pagkamatay ay dahil sa sakit na matagal na niyang iniinda.
Nangako naman ang lokal na pamahalaan ng Baguio na tutulungan ang pamilya Bautista na maiuwi sa Nueva Ecija ang bangkay ng kanilang ina.
Matapos ang insidente, tuloy pa rin ang parada ng mga naggagalingang street dancers at mga naggagandahang flower floats sa Session Road.
Inabangan din ng marami ang mga sikat na artista kabilang na sina Coco Martin, Megan Young, Mikael Daez, Empoy, Glaiza de Castro, Lito Lapid, Angel Aquino at marami pang iba.
Nagtagisan ang 11 malalaking float sa big floats category at walong maliliit na floats para sa small floats category.
Ang hall of famers na Baguio Country Club, NLEX Corporation, at SM City Baguio ay di rin nagpahuli sa pagparada ng kani-kanilang mga makukulay na flower floats.
Magtatapos ang Panagbenga festival sa March 4, 2017. RC BJON C. CATACUTAN, UB Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon