Kidnapin, itorture – bagong upak!

Bagong taon, may mga bagong upak na namang dumagundong. At siyempre, basta si Pangulong Duterte ang umupak parang kidlat itong riripeke sa mundo. Bago nagtapos ang taong 2018, may mga pahapyaw pa si Digong at pinagpiyestahan muli lalo na sa panig ng kanyang mga kritiko. May joke nga eh: kaya daw nangangayayat ang kanyang tagapagsalitang ti Atty. Panelo dahil purgado na ito ng mga jokes ni Digong. He,he, sige sundan natin ang isyu ng kidnapan at torture:

*********
Naanghangan muli ang CHR sa huling putak kamakailan ni Pres. Duterte nang ito ay humarap sa mga 4,000 barangay officials sa Metro Manila sa ginanap na barangay summit sa Pasay City. Ano ba kasi ang upak na ire? Ito ang laman: “Kasi ‘yung COA, every time, may mali talaga. Ano ba itong COA na ito? Mag-kidnap tayo ng taga-COA, lagay natin dito, i-torture natin dito. T——na!” Na ang ibig sabihin sa mas mababaw at deretsahang say: mangidnap at itorture ang mga state auditors matapos muling batikusin ang accountability rules ng Commission on Audit (COA) hinggil sa paggamit ng pondo ng pamahalaan. May pahapyaw pa na di dapat higpitan ang pagpapalabas ng pondo ng gobyerno kung ito ay para sa pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad. Kaya daw tumatagal o nabibinbin ang mga patrabaho dahil sa paghihigpit ng COA. Say naman ng iba: kung di ka maghihigpit, baka magkakaroon ng anomaly o graft and corruption.

*********
Nagbiro lang daw si Pangulong Duterte nang sabihin niyang dukutin at pahirapan ang mga state auditors at kinuwestiyon kung paano nako-convict sa korte ang mga government officials at empleyado dahil sa paglabag lamang sa COA circular. Idinagdag pa ng pangulo na handa niyang akuin ang responsibilidad kapag kinasuhan ng COA ang mga local officials dahil sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad tulad nang manalasa sa Luzon ang bagyong Ompong. Inamin din ng pangulo na naibulalas lamang niya ang kanyang pagkadismaya sa limitadong paggamit ng pondo ng bayan para sa mga biktima ng mga kalamidad. Sinang-ayunan naman ng mga taga-payo ni Digong ang posisyong ito. Idinaan lang daw sa biro ang pagkadismaya ni Digong. Pero ang bawi naman ng CHR at ilang legal na luminaryo: hindi kasi dapat gawing biro ang usapin sa pangingidnap at torture o pagpapahirap. Pahapyaw naman ng ilang nakakakilala kay Digong: dapat tanggapin na nating ganyan talaga ang dila at ugali ng pangulo. Pang-unawa ang dapat at bantayan natin ang kung ano ang kanyang ginagawa sa likud ng kanyang sinasabi.

*********
Magugunita na pinayuhan nito ang mga local officials na balewalain ang regulasyon ng COA kung ang pagtulong sa mga nakalamidad ang nakasalalay. Dito, maliwanag ang concern ni Digong. Naala-ala muli natin ang isang bahagi ng isa nating komento sa isang kolum ng Daplis– nagtanong tayo na kung ang trabaho ng COA ay i-audit ang paggasta sa pondo ng bayan eh, kung sila kaya ang magkakamali, sino ang mag-a-audit sa kanila? Hehe, mababaw ngunit praktikal ang tanong na yan pero may tama, di ba? Napakahigpit ang kanilang pagbabantay pero sino ang magbabantay din sa kanilang paghihigpit kung sila ay sasablay na katumbas ng pagkakabara ng mga programa ng gobyerno para sa mga mahihirap? Hindi kaya yan ang dahilan kung bakit biglang bumunghalit ulit ang bukadura ni Digong? Dapat kalkalin at timbangin muna natin ang tunay na dahilan kung bakit may mga upak na masasakit ang isang pangulo bago siya husgahan. Amen. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon