Lalaki, arestado sa bukas-kotse

Arestado ang isa sa mga nagbukas-kotse sa kahabaan ng Lower Magsaysay Avenue, Baguio City partikular sa harap ng JCF Electronics bandang 3:30am ng July 31, 2017.
Naghain ng reklamo si Johnny Colaba Felix, 45, technician/businessman at residente ng Lower Magsaysay Avenue sa lungsod laban sa naarestong suspek na kinilalang si Jhorson Paran Tinguey, 29, residente ng Lubas, La Trinidad, Benguet.
Sa imbestigasyon, natutulog si David Dalilis Canao sa kaniyang nakaparadang sasakyan sa likod ng sasakyang nakaparada na pagmamay-ari ng biktima, nang magising siya dahil narinig niyang may nagbubukas ng kaniyang sasakyan. Nakita ni Canao ang apat na lalaking nagpunta sa sasakyan ng biktima kung saan nakapasok ang isang suspek sa pamamagitan ng bintana at binuksan ang back door ng sasakyan upang makapasok ang isa pang suspek samantalang ang dalawang suspek ay nagsisilbing lookout. Kaagad namang tinawagan ni Canao ang biktima upang ipaalam ang insidente. Pagkakuha ng car stereo, ang dalawang suspek ay nagpara ng taxi at umalis samantalang ang dalawang suspek ay naiwan malapit sa lugar. Ang biktima at si Canao ay pinuntahan ang dalawang suspek at agad na hinawakan subalit ang isa ay nakatakas. Rumesponde ang mga tauhan ng Police Station 2 sa pinangyarihan at hinuli ang suspek. Ang kaso ay handa na para sa inquest.

Amianan Balita Ngayon