Lasing na Chinese, nagwala sa loob ng hospital sa Baguio

Nagwala ang isang lasing na turistang Chinese sa loob ng isang pribadong hospital sa lungsod ng Baguio gabi ng Mayo 23, at sinaktan ang medical doctor na nais gumamot sa kaniya dahil sa head injury na natamo matapos makipagsuntukan sa kaniyang mga kainuman.
Si Zhijian Zhae, 32, mula Fujian, China, na naka-check in sa Elegant Hotel sa Lower Magsaysay, ay naiulat na itinakbo ng may-ari ng hotel sa kalapit na Pines City Doctor’s Hospital noong Miyerkules ng gabi (Mayo 23) dahil sa tumatagas na dugo mula sa kaniyang noo dulot ng pakikipagsuntukan nito sa kaniyang mga kainuman.
Sa emergency room habang ina-assess ni Filipino physician Levy Deimynelle Alcantara Corpuz, 32, at iba pang nurses ang pasyente, bigla umanong nagwala ang pasyente at sinimulang saktan si Dr. Corpuz at kinuha ang ibang gamit ng hospital at pinagtatapon. Ang lasing na pasyente habang sumisigaw ay pinagtutulak ang mga hospital bed kahit na binabalaan ng mga doctor at security guards.
Tinawagan ang mga otoridad at dinala ang lasing na Chinese sa istasyon ng pulisya sa reklamong inihain ng mga doktor at staff ng hospital. A.ALEGRE

Amianan Balita Ngayon