Babae sugatan sa sekyu na nagpaputok ng baril

Sugatan ang isang ginang nang magpaputok ang security guard bandang 11:40pm ng Mayo 23, 2018 sa Suello Village, Sto. Tomas Proper, Baguio City.
Kinilala ang biktima na si Joan Pilien Gamsaw, 42anyos, negosyante, tubong Bontoc, Mt. Province at residente ng nasabing lugar; samantalang ang suspek ay kinilalang si Francis Elos Balonggay, 43anyos, security guard ng Bacmore Security Agency, tubong Pinukpuk, Kalinga at residente rin ng nasabing lugar.
Sa imbestigasyon, natutulog mag-isa ang biktima sa kaniyang bahay nang makarinig ng malakas na putok mula sa labas ng bahay ngunit hindi niya ito pinansin.
Makalipas ang isang oras, nakarinig ulit ang biktima ng malakas na putok at nakaramdam ng sakit sa tiyan. Napagtanto ng biktima na ang putok ay mula sa baril nang makita ang butas sa kaniyang dingding.
Humingi agad ng tulong ang biktima sa kaniyang mga kapitbahay na nagtawag ng police assistance kung kaya agad na naaresto ang suspek sa sarili nitong bahay.
Narekober mula sa suspek ang isang Caliber 38 Armscor na may serial number M2020 na may dalawang live ammos at dalawang empty shells ng caliber 38, at isang pumutok na bala. Ang kaso ay inihahanda na para sa inquest proceedings.

Amianan Balita Ngayon