Liquor ban nananatili sa Baguio at Benguet

LUNGSOD NG BAGUIO – Napagkasunduan ng mga mayor ng Baguio at mga bayan ng Benguet na ipagpatuloy ang liquor ban habang ang kani-kanilang LGU ay nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ).

Nabuo ang kasunduan sa isang pagpupulong ng Baguio City Inter-Agency Task Force na dinaluhan nina Baguio City Mayor Benjamin Magalong, Mayor Romeo Salda ng La Trinidad; Victorio Palangdan ng Itogon; Clarita Sal-ongan ng Tuba; Ruben Tinda-an ng Buguias; Armando Lauro ng Tublay; Thomas Wales Jr. ng Bokod; Frenzel Ayong ng Mankayan; at, Vice Mayor Arthur Baldo ng Sablan noong nakaraang linggo.

Sinabi ni Magalong sa mga mayor ng Benguet na hindi niya tatanggalin ang liquor ban habang ang Baguio ay nasa ilalim ng MGCQ at ikinatuwiran na ang liquor ban ay “isang paghadlang sa maramihang pagsama-sama kung saan maaaring mailipat ang COVID-19.”

Iginiit niya na ang kamakailang inuman sa lungsod at kalapit bayan na La Trinidad na may kinalaman ang mga naimpeksiyon sa COVID-19 na mga tao ay hindi na dapat maulit.

Sa Baguio, isang 25 anyos na lalaki ang naaresto matapos makipag-inuman sa Poliwes Barangay, na kalauna’y nagpositibo sa virus matapos sumailalim sa random testing na isinagawa sa Baguio City Jail.

Inaresto ang lalaki matapos diumano’y minaltrato niya ang kaniyang ama habang pinapakalma ang isang komosyon sa pagitan ng mga lasing na tao. Inatake pa niya ang isang pulis na rumesponde.

Sa La Trinidad, isang 22 anyos na vegetable truck helper mula Botiwtiw, Balili Barangay at kaniyang 44 taong gulang na driver mula Poblacion, Tuba ang nagpositibo sa COVID-19 matapos makipag-inuman.

Nagbigay pangamba ang mga insidente na ang mga sangkot ay maaaring naikalat na ang virus sa mga nakasalamuha nila. Nagkakaisa ang mga mayor ng Benguet na makabuluhang napababa ng liquor ban ang mararahas na insidenteng dulot ng pag-inom ng alak. Nangako sila na aatasan ang kani-kanilang hepe ng police, barangay officials at volunteers na mahigpit na imonitor ang iba’t-ibang establisimiyento na lumalabag sa ban.

Ang mga bar at lugar aliwan na nagsisilbi ng alak ay mga negosyong pinagbabawalan pa ring mag-operate sa panahon ng community quarantine. Nangako sina Mayor Salda, Palangdan, Lauro, Tindaan at Baldo sa Baguio City Task Force ng kanilang mahigpit na liquor ban habang umiiral pa rin ang MGCQ.

AAD/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon