Magalong pinahinto mga ilegal na sugalan sa lungsod ng Baguio

LUNGSOD NG BAGUIO – Pinahinto ni Mayor Benjamin Magalong ang di umanoy mga illegal na pasugalan sa lunsod bilang pagtugon sa reklamo ng mga ilang residente ng Baguio sa talamak na mga pasugalan sa loob ng syudad.
Binigyan ni Magalong ang mga namamahala ng pasugalan dito ng 13 oras para itigil ang pagpapatakbo ng kanilang gawain.
“All illegal gambling activities in the city shall cease to operate starting July 1” (dapat nang matigil ang operasyon ng lahat ng ilegal na pagsusugal sa lungsod mula Hulyo 1), ani Magalong sa kanyang talumpati matapos manumpa sa panunungkulan sa Baguio City Hall noong Linggo, Hunyo 30, 2019.
Isa sa hanay ng mga kautusan sa kapulisan ng bagong alkalde ay ang “zero tolerance to illegal gambling activities” (walang pahihintulot sa mga ilegal na pagsusugal).
Tumanggap ito ng standing ovation mula sa daan-daang dumalo para masaksihan ang “bright new boy” ng Baguio sa larangan ng pulitika.
“The administrative order for these directives will be issued forthwith to put forward our policy on public transparency and accountability” (ang administrative order para sa mga direktibang ito ay ipapalabas sa lalong madaling panahon para maisakatuparan ang ating patakaran sa public transparency at accountability), ani Magalong sa kanyang talumpati.
Sa panayam ng media sa alkalde matapos ang kanyang panunumpa, nagpahayag si Magalong ng pagkasulukasok sa mga namamahala ng mga pasugalan na noon ay tila nag “amok” at nagmando pa sa mga pulitiko at nangakong nasa likod sila ng mga ito para mapaupo sa pwesto.
Umaasa si Magalong na ipatutupad ng Baguio City Police Office (BCPO) ang mga nasabing direktiba, kundi “they will answer to me” (mananagot sila sa akin).
“Truly, I am honored to serve Baguio, and will be happy beyond measure to work hand-in-hand with each and every one. I know that deep in your heart, you wish no less than an exemplary performance to define our tenure” (Tunay na ikinararangal ko ang pagsilbihan ang Baguio, at walang katumbas na paggalak ang makatrabaho ang bawat isa sa inyo, hawak-kamay. Alam ko na sa kalooblooban ninyo ay wala kayong ibang pinangarap kundi ang kapuri-puring pagganap sa buong panahon ng ating panunungkulan), aniya.
Si Regional Trial Court Executive Judge Mia Cawed ang nangasiwa ng panunumpa sa katungkulan ni Magalong. Ang mga sumumpa naman sa katungkulan bilang konsehal ay sina: Joel Alangsab; Benny Bomogao; Betty Lourdes Tabanda; Elaine Sembrano; Mylen Yaranon; Isabelo Cosalan, Jr.; Francisco Roberto Ortega VI; Arthur Allad-iw; Vladimir Cayabas; Fred Bagbagen; Lilia Fariñas; at Phillian Weygan–Allan.
Si Cayabas ang nag-iisang baguhang konsehal, samantalang si Tabanda, Cosalan, Bagbagen, at Weygan-Allan naman ay bumalik makaraan ng di kumulang sa isang terminong pagliban.
 
Pigeon M. Lobien-PNA/Merriam del Rosario-ABN
 

Amianan Balita Ngayon