Magalong pinuno ng BLISTT governing council

LUNGSOD NG BAGUIO – Nahalal si Mayor Benjamin Magalong bilang bagong pinuno ng Baguio City -La Trinidad–Itogon–Sablan–Tuba and Tublay (BLISTT) governing council.

Si Magalong na isang unang beses na alkalde ng lungsod na ito ay nahalal bilang chairman sa anim na local chief executives ng Benguet.

Ang mga opisyal ng konseho ay sina Itogon Mayor Victorio Palangdan, vice chairman; Tublay Mayor Armando Lauro, treasurer; La Trinidad Mayor Romeo Salda, secretary; at Sablan Mayor Manuel Munar atTuba Mayor Clarita Sal-ongan bilang mga miyembro.

Sinabi ni National Economic Development Authority regional director Milagros Rimando sa isa panayam sa telepono na naatasan ang konseho na magbigay ng pangkalahatang direksiyon at koordinasyon ng lahat ng hakbang sa pagpapaunlad ng konseho.

Sa isang panayam noong Linggo ay sinabi ni Magalong na tututok ang konseho sa limang pangunahing problema sa kanilang lugar.

Ito ang waste management, traffic, environment, re-greening, at ang pagpasa sa panukalang batas na lumilikha sa BLISTT Development Authority na inihahalintulad sa Metropolitan Manila Development Authority.

“It’s about time we talk about policies, we deliver results, that is what we need to do here, tangible results, something concrete,” ani Magalong.

Sinabi niya na ang pangako ng Baguio sa ilalim ng kaniyang administrasyon ay tulungan ang ibang munisipalidad na umunlad.

“Instead of inviting investors to come to Baguio, it is better to invite investors who will invest in the adjacent municipalities, that way I’m also helping Baguio because we are already overpopulated here,” ani Magalong.

“It is about time we disperse the population and the only way to do that is to improve the business climate in the other municipalities,” aniya.

Sinabi ni Magalong na titingnan din ng governing body ang posibilidad ng pagbahagi ng isang komon na solusyon para sa pamamahala ng basura, gaya ng waste-to-energy scheme.

Kabilang sa iba pang plano ang rehabilitasyon ng mga ilog, gayundin ang re-greening ng kapaligiran kung saan mga batang puno na dalawa o tatlong taon gulang sa halip na mga binhi o punla ang itatanim.

PNA/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon