Yan ang malaking katanungan ngayon – masaya kaya ang Pasko 2018? Isang katotohanan na kahit ano pa ang mga nakapaligid na problema o kapalpakan sa ating lipunan, parang di gaanong pansin ng sambayanan tuwing Pasko. Nakatuon kasi ang imahe at damdamin sa Pasko. Paskong-daing/tuyo o Paskong litson/hamon, parehas ding Pasko raw. Kaya namnamin na lamang natin ang katuturan ng araw ng pagsilang ng Poong si Jesus. Pero teka, pards, hindi lahat ng sekta sa bansa ay kinikilala ang Pasko o nagdiriwang tuwing Pasko. Oo nga hane? Pero may nagtsutsu sa atin na kahit daw wala silang selebrasyon tuwing Pasko, nakikiuso naman daw ang ilan sa kanila sa bigayan ng regalo. Sus, ginoo, talagang magulo ang ating bansa, hane? Halukayin natin bago mag-Pasko:
******
Napakaraming kontrobersiya ang dumaan sa ating buhay nitong 2018. Sandamakmak na mga alitan ng mga opisyales ng pamahalaan ang ating isinimento sa ating listahan upang hindi mabura bilang aral. Natural, nangunguna riyan ang mga kontrobersiyang mga salita o katagang nagmula sa ating Pangulo. Sabagay, ke joke o hindi, laging pinagpepiyestahan ang mga salita ng Pangulo. Para bagang kulang ang kanyang pagtayo sa isang pagtitipon kung wala siyang mga pasaring o pahapyaw o kaya’y upak. Kaya nga’t nagrigudon ang pagsibak niya sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno na kanyang pinagkatiwalaan pero pumalpak ang trabaho. Di na tayo magpapangalan ngunit saksi ang bayan kung sino-sino ang mga damuho. Pagpapakita na tunay na may kamay na bakal ang pangulo kontra sa katiwalian, krimen, korapsiyon at droga. Sana ang mga bagong talaga ay magiging malinis na habang nakaupo si Digong.
******
Ang isang di malilimot na eksena ng 2018 ay ang utos ng Pangulo na isara ang Boracay. Nagsara nga at narehab. Kasunod din ang pagsasaayos ng ilan pang mga resorts na dinudumog ng mga turista. Kamay na bakal ang ipinakita muli ng Duterte administration sa hakbang na ito. Kahit pa ang pagsusuli sa tatlong Balangiga Bells ay isang kasaysayang naitala sa panahong ito. Malaki ang naitulong ng tigas ng paninindigan ni Digong upang mangyari ito makalipas ng mahigit sa isang daang taon. Na ang ibig sabihin, sa likod ng mga mantsa sa ating lipunan, meron ding mga umagapay na tagumpay at magandang pundasyon ng ating pag-usad. Sa kabilang dako, malaki din ang naitulong sa ating ekonomya at kabuhayan ng bansa ang pagbaba ng presyo ng petrolyo bagama’t ito ay nakabase sa galaw sa world market. Ang pinakahuling kontrobersiya ay ang isyu sa bigas kung saan hindi magkaisa ang mga opisyal ng bansa hinggil sa maaring ibubunga ng tarification bill na naghihintay na lang na maging batas.
******
Kung may sinasabing kamalasan, ito ang malaking swerte: ang pagkapanalo ni Ms. Catriona Gray sa Miss Universe title kamakailan. Pang-apat na siya na naging Miss Universe na simbolo ng ganda at katalinuhan. Habang nagbubunyi ang bansa sa karangalang dala ni Ms. Gray, lumabas ang isang ulat na pangwalo ang Pilipinas sa listahan ng pinakamainam na bansa para sa mga kababaihan batay sa ulat ng World Economic Forum (WEF). Sa latest Global Gender Gap Index report, nakakuha ng 7.99 na average score ang Pilipinas. Nanatiling Iceland ang nasa unang puwesto na may index score na 8.59. Kaya ang tanong: sa inyong panimbang, masaya kaya o hindi ang Pasko-2018 na ating idaraos muli sa Martes? Nasa inyo ang pinal na pananaw. Basta sa amin sa Amianan Balita Ngayon, masaya kasi andiyan kayong sumusubaybay at nagtitiwala sa aming serbisyo. Merry Christmas mga kabayan! Adios mi amor, ciao, mabalos!
January 10, 2019
February 10, 2025
February 1, 2025
January 27, 2025
January 12, 2025
January 4, 2025
December 28, 2024