Mga pasaway… Papano ba talaga sasawayin?

Daplis Walang Mintis

Sus maryusep mga Ka-Amianan mula silangan hanggang kanluran….nakakanerbiyos talaga at nakakaalarma na ang pagdami ng mga pasaway. Nakalatag na nga riyan ang mga health protocol pati na ang mga parusa…lantaran pa rin ang pagsuway.

Hindi na lang sa mga malalaking siyudad kundi hanggang sa liblib na lugal, tudo-pasaway talaga. Sige, isaisahin nating kaliskisan ang mga prueba: Pinakahuli sa eksena-depasaway ang nangyari sa Quezon City.

Isang konsehal ang nagmagandang loob upang magbigay ng ayuda. Ito raw ay matagal na niyang ginagawa kahit wala pa raw Covid noon. Ayos, pards, di ba? Namigay diumano ng mga stubs para makontrol ang bilang ng tao.

Ang seste, pati mga residente ng ibang barangay, pumila na rin. At ang lalong seste, pards…umulan. Natural nagtakbuhan at sumilong ang mga nakapilang ayaw mabasa. Nang tumila ang ulan, rambulan na ang pagbabalik pila.

Nawala na ang control sa distansiya. Tsk tsk..para silang nahilong mga manok sa poultry. Anyari? Eh, di iniimbestigahan na ang konsehal kasama na ang kapitan ng barangay. Sabi ng konsehal…hindi na raw mauulit.

Ayon sa ulat….isu-swab daw lahat ng mga pumila sa ayudahang ito. Sus mariakusina…nailista kaya lahat ang mga pumila? Bahala na silang sumagot.

Isa pang eksena…nangyari naman sa Tondo, Maynila. May lamay. Ayon sa kapitan ng barangay, nang sumilip daw siya….kakaunti lang ang tao. Nang matapos siyang kumain at bumalik sa lamayan….parang peryahan sa dami ng tao ang bumungad sa kanya.

May nagsusugal, may nag-iinuman, at marami pang etsetera. Patay ang social distancing. Natural, binulabog na nila ito at pinauwi ang mga pasaway. Kasi nga naman, hanggang diyes porsiento lang sa kapasidad dapat ang lamayan.

Eh, punuan, pards. Parang peryahan na. Agad namang kinastigo si kapitan ng barangay. At sa litanya ng kanyang mga rasones…iisa ang temple: noong sumilip, kakaunti pa. Nang inulit ang silip, punuan na. Kaya nga’t bumanat na si Pres. Duterte sa mga ganitong eksena.

Dapat ang barangay captain daw ang arestuhin at imbitahan sa present o. Ganern ba? Eh, ano kaya ang parusa sakaling guilty sa pagpapabaya? Siya ang lalamayan, este, ikukulong? Sige, sila na ang sasagot diyan.

Kamakailan, natumbok ang isang “pool party” with inuman, pards. Sa NCR pa rin ito. Gumawa sila ng liguan at
inuman sa isang lugal. Natural, dahil daw sa init ng panahon, dinagsa. Goodbye na naman si “social distancing”. Tabi tabi pa raw ang mga nagtutunggahan. Masaya hane? Ang masaklap, sa mga isinagawang pagsusuri sa mga natiklo…may mga nagpositibo sa Covid- 19.

Maryusep. Tiyak, kumalat na si virus, di ba? Ganyan din ang eksena kamakailan sa isang lugal sa Bulacan. Ginawang ala-resort ang gilid ng isang malaking ilog. Nagtayo ng mga talipapang silungan. Natural may upa riyan. Negosyo eh.

Ang seste, tabi tabi naman ang mga nagtatampisaw na mga naliligo mula bata hanggang sa mga gurang. Parang wala
silang pakialam sa mundo. Tanong: sino ang dapat managot? Laging kapitan ang itinuturo. Pati hepe ng pulisya, pinakakastigo.

Turuan na kapag imbestigasyon na ang uupak. Mayamaya baka ituro na ang mga mayor, gobernador, kongresman na nakakasakop diyan. Tsk tsk…iisa ang dahilan – talagang marami sa atin ang pasaway. Alam na nga nating bawal at mahigpit ang utos na dapat sundin pero tigas kukuti pa rin ang marami. Sana, huwag ng dumami ang ma-virus dahil sa tigas ng ulo. Sana. Tayo na ang sasagot niyan. Adios mi amor, ciao, mabalos.