Mga tanong sa West Phil. Sea!!!

Daplis Walang Mintis

Mula noon hanggang ngayon…pa t un gpatong na ang mga katanungan hinggil sa mga isyu sa West Phil. Sea. Patungpatong din ang sala-salabat na hakahaka. Ngunit wala pang konkretong kasagutan. Grabe ang problema sa isyung ito. Dapat maagapan baka lalo pang lumala at magbunga ng mas masahol pa sa kasalukuyang pandemya dahil kay Covid-19.

Sige, hukayin nga natin ang kontrobersiya: Nang umakyat sa Malakanyang si Pres. Rodrigo Duterte…alam ng lahat na nariyan na ang mga isyu sa West Phil. Sea. Ibig sabihin… may mga istraktura na ang Tsina diyan. In short…nakapag-iskwat na sila sa hindi sa kanila. Kung sa lupa lang sana yan…nakapagtanim na sila ng sayote o kamote doon. Inuulit natin…wala pa sa palasyo si Digong.

Sumatotal… ang mga sinundan niyang mga opisyal ang nakaupo sa panahong nagtanim ng pag-ukupa ang mga Tsino sa lugal na yan. So malinaw na noon pa ay may problema na. Pero ngayon yata may mga bumabato at tumutuligsa sa kasalukuyang administrasyon na wala pa naman noon.

Napakalinaw naman ang upak ni pangulong Digong kamakailan: wala pa siya noon. Pero siya na nga ang nakaupo ngayon. Kaya ang bunga ng kagagawan nila noon ang kanyang minana.

Ang masakit, siya ang binabato dahil siya nga ang narito ngayon. Tsk tsk…parang yung kasabihan: SILA noon ang nagtanim, pero SIYA ngayon ang umani. Saklap, hane? At nanangga naman
siyempre si Digong. Kanyang dinaplisan ang mga tao noon.

Ano daw ang kanilang ginawa nang magtayo ng mga istraktura o nangamkam ang mga Tsino sa ating teritoryo? Ang mapait pa nga…di ba may say na noon ang International Arbitrary Tribunal na pumapanig sa ating bansa laban sa Tsina…eh bakit hinayaan ang mga “singkit” na magpatuloy sa pagtatanim ng kamote roon? At ang masaklap pa rin, pinagbawalan pa at sisinisita ang ating mga
kababayang mangisda roon sukdulang tinataboy na parang wala tayong karapatang legal sa naturang teritoryo. Para bang “iyo” na nga, pinapalabas na “iskwater” ka! Saklap, pards, di ba?

At dahil sa nariyan na nga ang mga singkit na yan…may nagpanukala pa nga na dapat magkaroon ng legal na usapan sa pagitan ng Tsina at Pilipinas hinggil sa pangingisda sa naturang lugal. Dapat lang upang patas daw ang karapatang mangisda sa naturang teritoryo. Kasi nga mga Tsino ang nangingisda roon tapos iye-eksport nila sa atin ang huli nilang isda. Parang kinakawawa at ginagawa tayong “tanga” di ba?

Eh, kung magmamatigas naman ang ating mga mangingisda roon, baka kanyunin lang sila, di ba? Anong laban ng mga gaya nating “surot” lang kontra sa “higanteng” puwersa? Kaya dapat magkaroon ng legal na tratado o usapan na dapat sundin. Pero kamakailan, may mabigat namang binitawang salita si Pres. Duterte: magpapadala daw siya ng barko-de-giyera ng Pilipinas sa West Phil Sea kung mag-dridrilling ng langis ang mga Tsino sa naturang lugal. Pero teka lang…kamakailan, may sumunod na “say” ni Digong: hindi raw tayo makikipagdigma sa kanila dahil marami na tayong utang na loob sa kanila (China) gaya ng bakunang Sinovac kontra Covid-19.

Upak naman ng mga observers: dahil ba sa utang na loob ay yuyuko tayo at susunod na lamang sa kanilang ginagawa sa West Phil. Sea? Di kaya tayo nagmimistulang duwag, upak naman ng iba. Hirap timbangin ang lahat. Pero andiyan na ang problema.

Di na natin mapapalayas ang mga Tsino sa mga teritoryong inukupa. Katunayan nga eh..malalaki na ang kanilang istrakturang itinayo roon at may paliparan pa. Daplis pa nga ng marami: kahit nakamasid pa ang ibang bansa gaya ng Estados Unidos ….may maitutulong ba kaya sila para mapaalis ang mga Tsino?

Di kaya lalong lumala at maiipit pa tayo kung sila’y makialam? Tsk tsk…kawawang Pilipinas. Ibig sabihin: kahit ilang palitan pa ng administrasyon, nariyan pa rin ang problemang ito. So…manonood na lang ba ang ating salinlahi? Tutunganga na lang ba tayo? Bungal na ba tayo at walang lakas para kumagat din? Tiyak may mga solusyon pa. Dapat hanapin. Huling tanong: wala kayang maitutulong si Covid-19 at dasal sa naturang labanan sa teritoryo? Abangan ang susunod na kabanata. Adios mi amor, ciao, mabalos.