Mga unang lumabag sa mining ban, nadakip sa Benguet

ITOGON, BENGUET – Nadakip ng mga autoridad noong hapon ng Oktubre 3 ang tatlong small scale miners, ang mga naunang nahuli na lumabag sa small scale mining ban, matapos ang trahedya na tinaguriang “killerslide” sa Barangay Ucab ng bayang ito noong Setyembre 15.
Kinilala ang mga nadakip na minero na sina Daniel Naboye, 22, nakatira sa Antamok Tram, Ucab; Ricky C. Pangaten, 28, ng Baayan, Ucab, Itogon, Benguet; at Adam D. Ngolab, 20, mula rin sa Tram, Ucab.
Ang tatlo ay dinala sa Itogon police station matapos na nahuli ang mga ito na ginagamit ang isang Carbon Inpulp Processing (CIP) machine na pag-aari ng isang Julius Ayadi sa sitio Supang, Poblacion Itogon.
Nahuli ang mga ito sa akto ng mga pulis ng Benguet, Mines and Geosciences Bureau-Cordillera (MGB-CAR), Department of Environment and Natural Resources-Cordillera (DENR-CAR), Environmental Management Bureau-Cordillera (EMB-CAR) at mga opisyal ng Barangay Poblacion.
Matatandaan na mula Oktubre 1 ay ipinangako ng gobyerno na ipapasara ang lahat ng small-scale mines sa Benguet.
Ang pagpapasara sa mga naturang minahan ay pinangungunahan ng National Task Force Mining Challenge (NTFMC) sa pakikipagtulungan ng Philippine Army, Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police, at ng National Bureau of Investigation.
Ang lahat ng mga tao na madaratnan sa mga naturang minahan na aktibong nakikibahagi sa pagmimina ay agad dadakipin at kung pumalag ang mga ito ay maaari silang posasan at dalhin sa himpilan ng pulis.
Ang mga tunnel na makikitang delikado ay papasabugin habang ang mga bunganga ng tunnel na nasa maayos pa ang kondisyon ay isasara at haharangan.
Ang lahat ng gamit at makina na makikita sa lugar ay kukumpiskahin.
Ang tatlong nadakip ng autoridad ay haharap sa kasong paglabag sa Section 55 ng Philippine Mining Act of 1995 (RA 7942), Peoples Small-scale Mining Act (RA 7076) at Presidential Decree 1586 (Environmental Impact Statement System).
Kinumpiska rin ng autoridad mula sa tatlo ang tatlong induction motor machines.
Samantala, ang Benguet Small Scale Miners Federation sa pamamagitan ng presidente nito na si Engr. Lomino Kaniteng ay nakikiusap kay Pangulong Duterte na muling ikonsidera ang small scale mining ban na inaasahang magbibigay ng “domino effect” sa kabuhayan ng 88 associations sa Benguet na may 12,000 na miyembro mula sa bayan ng Itogon.
Ayon kay Kaniteng, hindi bababa sa 20,000 small scale miners at kanilang pamilya ang magugutom sa pagpapasara sa mga minahan.
Tinatayang 89 small-scale miners at kanilang kapamilya ang namatay sa Ucab, Itogon sa pagsalanta ng bagyong Ompong matapos na inilibing ng isang malaking landslide ang bunkhouse na inookupa ng mga ito habang nagmimina sa inabandonang mine tunnels ng Benguet Corporation.
Sa kabila ng paninisi ng MGB sa sama ng panahon at mapanganib na heograpiya ng lugar na nagdulot ng trahedya kaysa sa pagmimina ay iniutos pa rin ng mga opisyal ng pamahalaan ang pagpapasara sa lahat ng small scale mining sa buong lalawigan ng Benguet mula Oktubre 1. A.ALEGRE / ABN

Amianan Balita Ngayon