Mt. Pulag, ibinukas na sa publiko – DENR

Kahit hindi pa gaanong nakakarekober ang Mt. Pulag na matatagpuan sa bayan ng Benguet ay pwede na itong puntahan ng mga tao.
Ito ang naging pahayag ni Engr. Ralph C. Pablo, regional director ng Department of Environment and Natural Resources-Cordillera, sa ginanap na “Kapihan Para sa Kalikasan” noong Hunyo 5 sa tanggapan ng DENR sa Gibraltar, Baguio City.
Matatandaan na nasunog ang malaking bahagi ng Mt.Pulag na tinatayang aabot sa 1.5 ektarya noong ika-20 ng Enero 2018 na nagsanhi ng sapilitang pagsasara nito sa mga turista.
Sa pakikipanayam kay Pablo, sinabi nito na bagaman mabagal ang pagrekober ng Mt.Pulag sa nasabing insidente ay muli na itong binuksan sa publiko na gustong mamundok para mamasyal at mag-camping.
Aniya, tinatayang anim na pulgada pa lamang ang tubo ng mga damo sa parteng napinsala ng sunog na ikinokonsiderang mabagal na pagrekober dahil sa mataas ang lugar at malamig ang klima rito.
Nabanggit din niya na walang gaanong idinagdag o binago sa mga rules and regulations ng naturang tourist spot pero mas pinaigting ang mga ito.
Isa naman sa mga idinagdag na polisiya sa lugar ay ang sapilitang pagdadala ng fire extinguisher ng mga turista, aniya, ang mga ito ay hindi lamang para sa ikabubuti ng Mt. Pulag kundi pati na rin ng mga turista.
Siniguro nito na ang Mt. Pulag sa Benguet ay hindi matutulad sa ibang tourist spots na kontaminado na ng pulosyon tulad ng Boracay na matatagpuan sa Panay Island sa Western Visayas Region dahil sa hindi polusyon ang kalaban nito kundi ang mga basurang basta na lamang iniiwan ng mga bumibisita kaya inirekomenda ng DENR na magtayo ng opisina sa mga protected areas at magtalaga ng environment management personnel na magbabantay at magpapatupad ng solid waste management sa mga protected areas.
Paalala niya sa mga nagbabalak bumisita sa Mt. Pulag, dumiretso muna sa Ambangeg office para sa proper orientation at guidance bago tumuloy sa bundok. ROMELO DUPO III, UC / ABN

Amianan Balita Ngayon