Nang-rape, pumatay, lalaya?

Ano ba ireng bagong kontrobersiyang bumalagbag sa sosyodad ngayon? Sino nga bang di mapapa-maryusep sa ulat na ang mga rapist at murderer ay puwede na palang lumaya? Totoo ba ire? Anyare? Sinong nag-say? Korte Suprema, pards, Korte Suprema, ang kataas-taasang korte sa ating bansa. Period.

Pero teka, hihirit muna tayo ng mga kurokuro, haka-haka, reaksiyon, banat at suhestiyon bago mapalaya ang mga tinamaan ng buntot ng demonyong mga rapist at pumatay.

Kapag nagpakabait ka, laya ka. Base sa Republic Act 10592, may bunos pala ang mga bilanggo o PDL (Person Deprived of Liberty) kapag nagpakita ng magandang ugali. Yan ay sa pamamagitan daw ng GCTA o ang Good Conduct Time Allowance o dagdagpanahon na ibanabawas sa sentensiya ng mga convict.

Ayon kay DOJ Secretary Menardo Guevarra, ang sinumang nakulong bago ang 2013 ay sakop ng recomputation ng GCTA at sakaling kuwalipikado ay posibleng mapapalaya. At kasama na riyan ang dating Laguna, Calauan Mayor Antonio Sanchez na kumbiktado bilang rapist at murderer kasama ang mga 13 convict na tumestigo laban kay dating DOJ Secretary at naging senador na si Leila De Lima.

Lahat ng mga ito, kasama pa ang mahigit sa sampung libong preso ang kandidato sa paglaya. Pero may paglilinaw si DOJ Sec. Guevarra na ang batas ng Korte Suprema ang magpapalaya sa mga convict at hindi si Pangulong Duterte.

Sa reaksiyon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, siya ang DOJ secretary sa panahong nakumbikta si dating Mayor Antonio Sanchez sa paggagahasa at pagpatay sa UP student. Hiniling nito na imbestigahang maigi ng DOJ ang kaso nito bago maisakatuparan ang RA 10592.

Meron din daw mga ulat na habang nasa kulungan si Sanchez, ay may mga nilabag pa itong batas: nahulian ng droga, nagpasok ng mga kagamitang bawal sa loob ng selda at iba pa.

Tanong: di kaya labag ang mga yan sa kagandang asal ng isang PDL upang maisama siya sa mapaparol o mapapalaya ayon sa GCTA?

May bulong pa na baka naman daw napasukan ng pulitika ang maaring paglaya ni Sanchez. Kasi nga naman, mismong si Presidential spokesperson na si Sec. Panelo ay naging abogado pala ni Sanchez. Pero sabi naman ni Panelo, wala siyang kinalaman sa kautusang pagpapalaya.

Idinagdag pa ni Panelo na bumitaw siya bilang abogado ni Sanchez pagkatapos itong umapela.

Tanong: sakaling mapalaya ang kombiktadong rapist-murderer, ano naman kaya ang reaksiyon o damdamin ng mga naulila ng kawawang biktima?

Parang nabagsakan ng kulog ang panig ng mga Sarmenta sa kontrobersiyang pagpapalaya kay Sanchez. Natural lang na nanumbalik ang kanilang ngitngit o galit dahil sa pagbagsak ng hustisyang kanilang minithi.

Ayon kay Mrs. Sarmenta, sa panayam ng medya na ni isang kusing ay wala silang natanggap na bayad-danyos mula kay Sanchez sa likud ng mga lumabas ngang utos sa isyu ng perwisyong ibinunga ng insidenteng yon noong 1993.

Pero tanggap niya ang utos ng Korte Suprema at wala na siyang magagawa kundi umasa na sana daw ay mapapalaya si Sanchez dahil sa kagandahang asal o pagbabago.

At sa puntong ito, tiyak na sa panig ng mga pamilya ng mga mapapalaya ay matutuwa sila sa likud ng pagdadalamhati lalo ng mga pamilya ng mga kinawawang biktima.

Tanong: sapat ba ang pagpapakabait para mabayaran ang ginawan ng kasalanan? Kung hindi inalis ang Death Penalty, may ganito kayang eksena ngayon? Bayan, kayo na ang humatol. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon