‘No field trip’ iginiit ng DepEd

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, LA UNION – Ipinagdiinan ng Department of Education (DepEd) sa Rehiyon I na walang papayagang filed trips o mga lakbay-aral ngayong school year.
Sinabi ni Darius Nieto, regional information officer ng DepEd Region 1, na nauna nang naglabas si Education Secretary Leonor Briones ng Memorandum No. 47, series 2017.
“It was a decision reached in consultation with regional directors in a meeting with our Secretary,” ani Nieto.
“The memorandum formalizes the moratorium on educational field trips and other similar activities following the tragic bus accident in Tanay, Rizal involving college students last February,” dagdag niya.
Nais ng moratorium na marebisa ang mga polisiya at pagtugmain ang detalye sa pagpapatupad ng mga rehiyon ng field trips sa learning outcomes, kaligtasan at seguridad, responsibilidad at pananagutan hindi lamang ng paaralan ngunit maging ng mga magulang at iba pang sangkot na ahensya ng gobyerno.
Bilang pangunahing institusyon na nabigyan ng mandato na siguruhing madaling makuha ang dekalidad na basic education, sinabi ni Nieto na kinakailangan ng kagawaran na tignan ang seguridad at kaligtasan ng mga mag-aaral sa mga aktibidad na may kinalaman sa kanilang edukasyon.
Aniya, ang mga lakbay-aral ay hindi mandatory o sapilitan at ang mga paaralan ay inuutusan na iwasan ang pagbibigay ng parusang aktibidad na makakaapekto sa akademikong kalagayan ng mga mag-aaral na hindi nakakapunta sa field trips.
Ang moratorium ay epektibo sa parehong pampubliko at pribadong paaralan sa elementarya at sekondarya.
“The moratorium is in effect until such time that a new policy on field trip has been issued,” ani Nieto. MPA, PIA-La Union / ABN

Amianan Balita Ngayon