P2.9M marijuana plants sinunog sa Kalinga

CAMP DANGWA, La Trinidad, Benguet – Sa patuloy na marijuana eradication campaign na isinasagawa sa lalawigan ng Kalinga, ay muling sinunog ang mga tanim na marijuana mula sa tatlong plantasyon na nadiskubre sa bayan ng Tinglayan, na umaabot sa halagang P2.9 milyon.
Sa ulat ng Police Regional Office-Cordillera (PROCOR), ang tatlong plantation sites na may total land area na 1,950 square meters ay natunton ng magkakasanib na tauhan ng Kalinga Police Provincial Office, PDEA-CAR at 1503rd Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 15, sa bulubunduking bahagi ng nasabing bayan.
May kabuuang 14,600 fully grown marijuana plants ang pinagbubunot at sinunog sa lugar na nagkakahalagang P2,920,000.00 base sa dangerous drugs board value.
Ang tatlong araw na operasyon ay tinawag na Oplan Buscong Ridge na siyang tumututok para linisin sa droga ang mga apektadong barangay sa Tinglayan, Kalinga.
Noong nakaraang buwan, mahigit P5.7 milyong halaga ng marijuana ang sinunog sa may plantasyon ng Barangay Butbut Proper, Tinglayan, Kalinga sa ilalim ng Oplan Green Pearl Bravo.
 
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon